Ilang film restoration projects ng ABS-CBN di na matutuloy dahil sa franchise denial

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 08:41 PM | Updated as of Jul 18 2020 11:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil sa sunod-sunod na pag-lay-off ng mga empleyado ng ABS-CBN, apektado ang paggawa ng mga pelikula, kabilang na ang proyekto ng network na film restoration o pagsagip ng mga lumang pelikula ng network giant.

Ito ang "Sagip Pelikula" project ng ABS-CBN Film Restoration Team na katuwang ang Central Digital Lab.

Ayon kay Leo Katigbak, head ng ABS-CBN Film Restoration Project team, may ilan pang pelikula ang nasagip ng kanilang proyekto pero dahil sa shutdown ay wala na silang pondo.

At dahil unti-unti nang nasisira ang iba pang mga pelikula, maaaring hindi na ito maisasalba kung aantayin pa ang oras na magkaroon muli ng pondo at dahil bawas na ang tao, babagal uang trabaho.

"We still have a few titles left in the pipeline that were completed but the shutdown means there will be no further funding. As such, those movies that are already deteriorating will probably not be saved by the time we have resources again," ani Katigbak.

Ilan lamang sa mga klasikong pelikula na nasagip at nabigyan ng kulay at buhay ng proyekto ang mga pelikulang "Himala," "Oro Plata Mata," at "Panday."

Miyerkoles nang ianunsiyo ng ABS-CBN na magbibitaw sila ng mga empleyado, matapos ibasura ng Kongreso ang aplikasyon ng network giant para sa bagong prangkisa.

Bago nito, natigil sa pag-ere ang network sa free television, alinsunod sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission na inilabas nang mapaso ang prangkisa ng network.

Ikinalungkot ng netizens ang nangyari dahil alam nilang bahagi ng kulturang Pinoy ang mga lumang pelikula na dapat mapanood ng bagong henerasyon.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.