Angeline Quinto, naiyak dahil kay Mama Bob

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 12:14 PM | Updated as of Jul 18 2018 12:55 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

MANILA -- Hindi napigilan ni Angeline Quinto ang maluha nang magkuwento tungkol kay Sylvia "Mama Bob" Quinto na umampon at nagmahal sa kanya na parang isang tunay na anak.

Sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, muling binalikan ni Angeline kung paano niya nalaman na siya ay ampon at kung paano at kailan niya nakilala ang totoong ina noong 2012.

Pero ilang taon matapos niyang makilala ang tunay na ina, nananatili ang pagmamahal ni Angeline kay Mama Bob.

Nang matanong kung bakit si Mama Bob pa rin ang kanyang kasama sa buhay, hindi na napigilan ni Angeline ang maging emosyonal.

"Kung wala po si Mama Bob, siguro wala rin pong Angeline ngayon," ani Angeline. 

"Kaya sabi ko sa sarili ko, ipaparamdam ko kay Mama Bob ang dating pangarap niya lang. Sisiguraduhin ko na mararanasan niya ang magandang buhay."

Sa isa namang video message, pinasalamatan ni Mama Bob si Angeline sa pagbigay sa kanya ng magandang buhay.

Ipinalala din niya ang pagmamahal sa mang-aawit. 

"Siyempre talagang tinuring kong parang anak. Ngayon paglaki ni Angie, sinabi niya sa akin, 'Mama, huwag kang mag-alala bibigyan kita ng magandang buhay.' Nagpapasalamat ako kasi binigyan niya ako ng magandang buhay, 'yun ang pangako niya sa akin noon. Angie, mahal na mahal kita. Umiikot ang buhay ko dahil sa iyo, kaya huwag kang magbago, 'yan ang itinuturo ko sa iyo. Ngayon ang pangarap mo ay natuloy, sana ganoon pa rin ang buhay natin. Mahal na mahal kita anak," ani Mama Bob.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.