Nikki Valdez, may mensahe sa mga empleyado ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 12:31 PM

MAYNILA -- Nagbigay ng kanyang mensahe ang aktres na si Nikki Valdez sa mga empleyado ng ABS-CBN na maaring mawawalan ng trabaho matapos na hindi mabigyan ng Kongreso ang network ng bagong prangkisa.

Sa Instagram, ibinahagi ni Nikki ang malungkot na larawan nila ng kanyang asawa na si Luis Garcia, na isa ring empleyado ng ABS-CBN na aniya ay maaring mawalan ng trabaho sa mga susunod na buwan.

Inanunsiyo na ng ABS-CBN nitong Miyerkoles ang pagbabawas sa mga manggagawa

Binuweltahan din ni Nikki ang mga nagsasabing maghanap na lang ng trabaho ang mga empleyadong mawawalan ng hanap-buhay at ang ilang nagdiriwang pa sa kabiguan ng mga manggagawa.

"Madali lang para sa inyo na sabihin na hindi lang naman sa amin nangyari o nangyayari ito. Na maghanap na lang kami ng ibang trabaho. Na huwag kami mag-over-react. Na kumpanya namin ang may kasalanan. Na buti nga sa ABS-CBN magsasara na. 'Yung iba nga nagdidiwang pa," ani Nikki.

"Sana kaya niyong sabihin 'yan sa mga empleyadong sila lang ang inaasahan ng pamilya nila, na may mga sinusuportahan, pinag-aaral, 'yung iba buntis pa at may pinapagamot na kamag-anak. Sana kaya niyo sagutin ang lahat ng gastusin nila at kinabukasan ng mga pamilya nila," dagdag ni Nikki.

Ayon kay Nikki, alay niya ang kanyang post sa 70 mga mambabatas na bumoto para patayin ang panukang batas na naglalayong magbigay sana ng bagong prangkisa sa Kapamilya network.

Sa nangyaring botohan sa Kongreso noong Biyernes, 11 mambabatas lang ang matapang na bumoto para bigyan pa ng isang pagkakataon ang ABS-CBN.

"Kaya para po sa inyo ang post na ito para paalala sa mga tuwang-tuwa nagsara kami, sa 70 kongresistang bumoto sa pag-deny ng aming prangkisa at sa gobyerno nating puno ng galit at paghihiganti lang ang nasa isip at puso sa gitna ng magulo nang mundo at pandemya na dinaranas ng ating bansa," ani Nikki.

Mensahe naman ni Nikki sa kanyang mga kapwa-Kapamilya: "Kapamilya, kapit lang. Tiwala lang. Ang Diyos ay pinagdudahan, inalipusta, binaboy at tinalikuran din ng maraming nagtiwala Sakanya kaya alam na alam Niya ang pinagdadaanan nating lahat ngayon. Hindi mananaig ang kasamaan kahit kailanman." ani Nikki.

Parte si Nikki ng serye na "A Soldier's Heart" na ngayon ay ipinapalabas sa Kapamilya Channel.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.