MAYNILA -- Patuloy ang pagpapahayag ng suporta ng aktres na si Jennylyn Mercado sa ABS-CBN at sa mga empleyado nito.
Sa Twitter, nagbigay reaksiyon ang aktres sa komentong kailangang mag-move on na sa isyu ng Kapamilya na network na tuluyan na ngang hindi makakapag-brodkast matapos bumoto ang 70 mambabatas na patayin ang panukalang batas na naglalayong magbibigay ng bagong prangkisa sa network.
"To move on is to disregard the suffering of others," tweet ni Jennylyn nitong Biyernes ng umaga.
"Move on? Ano 'to parang magsyota lang? To move on is to forget. Paano mo kakalimutan ang mga empleyado na paycheck to paycheck na ngayon wala nang pagkukunan ng pambili ng pagkain sa pamilya nila? To move on is to accept. How heartless can you be to accept that thousands of our kababayans are now struggling to survive? Tuloy pa rin ang laban sa Bayan Pilipino," dagdag na paliwanag ng aktres.
Sinagot din niya ang isang komento ng netizen na nanakot na ibo-boycott ang kanyang mga proyekto at ini-endorso dahil sa mga binibatawan niyang pahayag.
"I know what I'm risking the moment I speak up. Walang mangyayari if you always play it safe. I will be forever grateful to the advertisers that supported and supports me. The decision to speak up is something that I will never regret," ani Jennylyn.
Dagdag niya: "Alam kong suportado ako ng home network ko na nagturo sa aking maging matatag at manindigan para sa tama. Hindi ako makakatulog sa gabi 'pag alam kong hindi ko nagamit ang aking boses para ipaglaban ang mga naapi at nawalan. Hindi kaya ng konsensya ko 'yun. Kung gusto niyo po akong iboycott, tanggap ko 'yun," ani Jennylyn.
Sa naunang tweet ni Jennylyn, ipinaliwanag niyang naranasan na niya ang mawalan ng halos lahat at ito ang naghubog ng paniniwala niya pagdating sa kabutihan at pakikipagkapwa-tao.