Sunshine Cruz, magpapainit sa Cinemalaya

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 03:33 PM | Updated as of Jul 17 2019 03:48 PM

MAYNILA -- Todo pagmamalaki ang aktres na si Sunshine Cruz sa kanyang bagong pelikula na "Malamaya" na isa sa mga pelikulang kalahok sa 2019 Cinemalaya Independent Film Festival.

Dito, aabangan ang maiinit na eksena ni Sunshine na gagampanan ang role ni Nora Simeon, isang 45 anyos na pintor na magmamahal sa batang photographer na si Migs na bibigyang buhay ni Enzo Pineda.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Masu-surprise talaga sila pero talagang maganda and maipagmamalaki ang pelikula na 'to. Yes medyo sensual talaga, pero ma-appreciate talaga nila not just for that (sexy scenes) dahil talagang pinaghirapan po talaga namin," pagmamalaki ng aktres.

Kuwento pa ni Sunshine, malaking adjustment ang kanyang ginawa para bigyang buhay ang kanyang papel.

"Si Nora kasi is very different from who I am talaga. I don't smoke. Nora Simeon is a chain smoker. I don't paint and she's a painter, so very opposite talaga though pareho kaming into women empowerment," sabi pa niya.

Aprubado din ng kanyang tatlong anak na babae na sina Samantha, Angeline at Angel ang kanyang paggawa ng pelikula na may sensual na tema.

"They will be with me sa gala night, all out ang support nila sa akin, and they understand that it is part of my work. And, of course, I'm not gonna do anything na ikakahiya ng mga anak ko. Masyado lang napo-focus doon sa paghuhubad ko 'yung movie, but it’s not just that," sabi pa ni Sunshine.

Gaya ng kanyang mga anak, todo suporta din ang kanyang karelasyon ngayon na si Macky Mathay.

"He understands (my work) and now busy siya with his work, so pareho kaming busy ngayon but we support each other," pahayag ni Sunshine.

Mapapanood ang "Malamaya" sa pagbubukas ng Cinemalaya ngayong Agosto 2-13 sa direksyon nina Danica Sta. Lucia at Leilani Chavez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.