Ronnie Alonte, aminadong 'nabihag' na ni Loisa Andalio

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 07:24 PM | Updated as of Jul 17 2019 07:55 PM

MAYNILA -- Hindi maitago ng Kapamilya star na si Ronnie Alonte ang kanyang kilig nang mapag-usapan ang mas matibay na relasyon nila ni Loisa Andalio.

Sa naging episode ng "Magandang Buhay" nitong Martes, ipinahayag ni Ronnie ang kanyang pasasalamat kay Loisa.

 

"Kasi simula noong nakilala ko siya, ang dami ko nang kinatakutan. Kinatakutan ko nang lumabas lagi. Sa madaling salita po e binihag ako niyan e ni Loisa," masayang sabi ni Ronnie sa panayam sa "Magandang Buhay'.

Para kay Ronnie, maituturing din niya na stress-reliever si Loisa sa tuwing magkasama sila nito.

"Parang kapag nakikita ko siya at nagkikita kami, parang stress-reliever e. At saka lagi ko siyang pinapangakuan na kasi po. Marami po sa paligid namin na nagsasabi na 'bata pa kayo' enjoy-in niyo muna ang buhay niyo.' Kasi para sa akin po, ang iniisip ko po na page-enjoy e 'yung kasama ko siya” sabi pa ng Kapamilya star.

Ayon pa sa aktor, handa na rin siya na makasama si Loisa sa kanyang future kung sakali na sila talaga ang magkakatuluyan.

"Kasi kaya ko mag-enjoy nang kasama ko siya e. Sobra akong enjoy e. Napakaganda naman ng babae na 'yan o, maghahanap pa ba ako ng iba?" sabi pa niya.

At sa kanilang dalawang taon at pitong buwan na relasyon, hindi itinanggi ng aktor na dumaan din ang kanilang relasyon sa matinding pagsubok.

"Sobrang dami na din po namin napagdaanan. Sobra na ho ang hirap namin at sobrang dami na noong pride na nilunok sa isa’t isa maayos lang namin,” pahayag pa ni Ronnie.

Sa ngayon, bahagi sina Ronnie at Loisa ng Kapamilya series na "The Generals Daughter."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.