PatrolPH

Zanjoe at Empoy, ibinahagi ang natutunan sa isa't isa

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2018 03:39 PM

MANILA -- Maraming bagay ang natutunan nina Zanjoe Marudo at Empoy Marquez mula sa isa't isa sa pagsasama nila para sa pelikulang "Kusina Kings."

"Siguro 'yung work hard at saka 'yung pagmamahal niya sa trabaho at saka dedication niya," ani Empoy nitong Martes.

"Nakita ko sa kanya na flexible siya at versatile na actor. Puwede siya sa drama, puwede siya sa comedy, kahit saan puwede siya. 'Yan ang kagandahan kay Z na natutunan ko sa kanya," dagdag ng komedyante.

Para naman kay Zanjoe, ang maging totoo sa sarili ang naituro sa kanya ni Empoy.

"Siguro ang pinaka-main na gusto kong matutunan o makuha kay Empoy siguro 'yung huwag kang gagaya sa iba. Huwag kang makiuso kung ano 'yung uso. Kung ano ang character mo, dapat ikaw lang 'yon. Maging totoo ka sa sarili mo. Kasi siya may sarili siyang karakter, wala siyang ginagaya, wala siyang sinusundan. Kumbaga ito siya, ito si Empoy, ito ako. Ako lang ito. 'Yun ang gusto kong matutunan na dapat ganoon din ako," ani Zanjoe.

Sa "Kusina Kings," magkaibigan ang mga karakter na gagampanan nina Zanjoe at Empoy na sasali sa isang cooking challenge para maisalba ang kanilang itinayong restaurant.

Watch more on iWant or iWantTFC

Ayon kay Zanjoe at Empoy, natural lang na lumalabas ang kulitan nila sa pelikula dahil sa pagiging malapit nila sa isa't isa.

"First project ko sa ABS-CBN, kasama ko siya sa serye at sa ibang pelikula nagkakasama kami. Kapag may na-meet kang isang tao, kahit kakakilala mo pa lang ay nakikita mo na agad 'yung connection. Siguro dahil parehas kaming taga-probinsiya at laking kalye, nagko-connect kaming parehas," ani Zanjoe.

Ayon sa direktor ng pelikula na si Victor Villanueva, isang nakakatuwang kuwento tungkol sa magandang pagkakaibigan ang istorya ng "Kusina Kings."

"It's a guilty-pleasure kind of film. It's a fun ride. Ang recipe ng friendship, that's the most important lesson of all (ng pelikula)," ani Villanueva.

Sa pelikula leading lady ni Zanjoe Marudo si Nathalie Hart, samantalang ang beauty queen naman na si Maxine Medina ang onscreen partner ni Empoy.

Ipapalabas na ang "Kusina Kings" sa mga sinehan sa Hulyo 25. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.