Sharon, itinangging siya ang dahilan ng kanselasyon ng pelikula nila ni Gabby

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2017 03:15 PM

Nilinaw ni Megastar Sharon Cuneta na hindi siya ang dahilan kung bakit kanselado ang kanyang reunion movie kasama ang dating asawa at leading man na si Gabby Concepcion. 

"I was not the one, I did not cause the cancellation. Let's just put it that way," aniya. "Maybe [it's because of] his schedule, I don't know," ayon kay Cuneta sa isang panayam sa entertainment website na PEP noong Huwebes.

"I'd rather not investigate further, baka ma-hurt ako. Huwag na lang!"

Napagkasunduan nina Cuneta at Concepcion na ipagpaliban muna ang kanilang planong reunion movie ngayong taon noon pang Abril. 

Huling bumida ang dalawa sa isang pelikula noon pang 1992 sa pelikulang "Tayong Dalawa". 

Si Concepcion ang ama ng panganay ni Cuneta na si KC Concepcion. Kasalukuyan namang isa sa mga "The Voice Teens" coach si Cuneta. 

Sabik na rin siya sa isang pelikula kasama ang isang bagong leading man.

"By September, I'm shooting my movie with Star Cinema. I can't announce pa the leading man na naman, pero I promise you maraming matutuwa, maraming kikiligin, maraming sasaya," kuwento niya. 

"Nasa akin na 'yung script, matagal na. It's a very cute story. We had to change to story when we changed the leading man. So parang feeling ko mas excited pa nga ako dito because of the story and 'yung kasama ko, kilalang kilala ko na," dagdag pa niya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.