Ka Freddie says he's ready to face criticisms

By Boy Villasanta, abs-cbnNEWS.com

Posted at Jul 14 2009 07:12 PM | Updated as of Jul 15 2009 10:17 PM

Ka Freddie says he's ready to face criticisms 1MANILA  - Matapos ang kontrobersyal niyang opinyon laban kina Charice at iba pang mang-aawit na Filipino, nagbitiw na naman ng panibagong hamon si Freddie Aguilar.

Sinabi ng folk singer na hinahamon niya sina Charice at Arnel Pineda na umawit ng mga kantang Tagalog kapag nagtatanghal sila sa ibang bansa. 

“Hindi ko naman pinagbabawalan na kumanta si Charice ng Ingles. Sa interbyu sa akin sa TV, naitanong ko na hindi ba siya pinayagan ni Oprah Winfrey na kumanta ng Tagalog. Kung hindi ay bakit Ingles pa ang kinanta niya?” pahayag ni Aguilar.

“Kung sina Bamboo ang napunta sa YouTube at na-promote sa ‘Oprah,’ tiyak na sila ang gagayahin at hindi sila ang manggagaya. O, di ba, mas malaking karangalan ‘yon?” dagdag pa niya.

Paglilinaw ni Aguilar, wala siyang galit kay Charice bangkus ginagalang niya ito at hinahangaan.

Kay Pineda naman, ito din ang panawagan ni Aguilar.

“Bakit hindi niya i-suggest sa mga kasamahan niya sa ‘Journey’ na kumanta ng Tagalog. I hope, mas ma-a-appreciate sila sa buong mundo kung may Tagalog sila kahit na isang kanta,” ani Aguilar.

Sa kaso naman ni Gary Valenciano, ang payo niya ay huwag na niyang gayahin si Michael Jackson sa pagsayaw at si Al Jarreau sa pagkanta.

“Malakas na ang dating ni Gary as himself. Subukan mong itayo si Gary sa ibabaw ng stage at kahit na hindi siya mag-moonwalk at mag-ala-Al Jarreau, sa boses pa lang niya, outstanding na siya. Wala siyang katulad. Baka siya pa anggayahin,” pahayag ni Valenciano. 

Dagdag ni Aguilar, marami siyang tinanggihan na shows sa abroad dahil ayaw umano ng producers na kumanta siya ng mga Tagalog song.

“Sabi ko, hindi pwede. Sa kontrata, kailangang malinaw na mga Tagalog ang kanta ko,” pahayag nito.

“Hindi ko naman sinasabi na kailangang laging Tagalog ang kanta. Kasi, may mga nagre-request din ng English songs. Ang sinasabi ko lang, sa malalaking venue like international performance na malawak ang viewership at listenership, mas maganda kung Tagalog ang kantahin para maipagmalaki natin ang Filipino language,” paglilinaw niya.

Ka Freddie slams Cristy Fermin

Binatikos din ni Aguilar ang manunulat na si Cristy Fermin. Tinawag umano ni Fermin si Aguilar na insecure at laos na.

“Sabi ni Cristy, si Florante raw ang talagang nationalist singer or something to that effect. Baka hindi alam ni Cristy na American citizen na si Pareng Boy (palayaw ni Florante at kumpare ni Aguilar)?” pahayag niya. 

“Ako, hindi ko iiwan ang Pilipinas. Bakit sa Brunei, hindi matuluy-tuloy ang show ko? Kasi, may ayaw ipakanta sa akin ang Prince of Brunei. May ayaw din akong kantahin sa gusto niya kaya kahit malaking pera, hindi ko tinatanggap. Alam ba ni Cristy ‘yan?” dagdag niya.

Sabi ni Aguilar, handa raw siyang harapin ang isyu kahit na kontrabida pa ang tingin ng mga tao ngayon sa kanya. Ang mahalaga daw, aniya, ay maipaliwanag niya ang lahat. 

“May karapatan akong magsalita nang ganito dahil hindi pa nila naaabot ang naabot ko kaya bakit ako mai-insecure sa kanila?” pahayag niya.