PatrolPH

Paulo Avelino, Charlie Dizon magsasama sa music video ng ‘Hindi Ko Kaya’ ni Zack Tabudlo

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2021 04:11 PM

Paulo Avelino, Charlie Dizon magsasama sa music video ng ‘Hindi Ko Kaya’ ni Zack Tabudlo 1
Mula sa Instagram ni Zack Tabudlo

Matapos ang tagumpay ng kanilang pelikulang “Fan Girl”, muling magtatambal sa isang proyekto sina Paulo Avelino at Charlie Dizon kung saan magsasama sila sa music video ng bagong awitin ni Zack Tabuldo na “Hindi Ko Kaya.”

Sa Instagram account ng Project 8, ipinasilip na ang poster nina Avelino at Dizon sa nasabing music video na mismong si Antoinette Jadaone ang magiging direktor. Si Jadaone rin ang nasa likod ng pelikulang “Fan Girl.”

Ilalabas ang music video sa YouTube channel ni Tabudlo sa Hulyo 17, 6 p.m. 

Nauna nang ibinahagi ni Dizon ang magandang balita sa kaniyang Instagram account kung saan kinumpirma nito na may reunion project sila ng beteranong aktor. 

“Reunion project with @pauavelino,” maikling tugon ni Dizon sa caption. 

Kasama rin sa post ang Instagram account ng Project 8 na nasa likod din ng award-winning movie na “Fan Girl.”

Mapapanood na rin sa digital streaming platform na Netflix ang “Fan Girl” na humakot ng parangal sa nakaraang Metro Manila Film Festival. 

Nakuha ng pelikula ang Best Cinematography, Best Sound, Best Editing, Best Screenplay, at Best Picture sa 2020 MMFF. 

Pinarangalan din sina Dizon at Avelino bilang Best Actress at Best Actor ng film fest habang Best Director naman si Jadaone. 

 RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.