Pagbisita ng tambalang Kathryn at Alden, inaabangan na sa Dubai

Randy Lamsen, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 06:27 PM | Updated as of Jul 13 2019 06:46 PM

Kompirmadong personal na bibisita sina Alden Richards at Kathryn Bernardo sa UAE para sa premiere ng kanilang pelikulang “Hello, Love, Goodbye” sa Agosto. Michael Bagtas, ABS-CBN News

Sabik na sabik na ang mga taga-supporta nina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa premiere ng kanilang bagong pelikula mula sa Star Cinema na “Hello, Love, Goodbye” sa United Arab Emirates.

Sa digital media press conference sa TFC Middle East Office, kinumpirma na personal na bibisita ang dalawa sa UAE para sa premiere ng kanilang pelikula sa Agosto 9 sa Dubai Mall at Agosto 10 sa Al Wahda Mall sa Abu Dhabi.

"Pwede pala!" Ito ang masayang kuwento ni Richards, na maaaring magsama ang Kapamilya at Kapuso para makapaghatid ng isang makabuluhang pelikula.

Ang kuwento ng pelikula ay iikot sa buhay ni Joy na ginampanan ni Bernardo bilang isang OFW sa Hong Kong at gumanap naman bilang Ethan si Richards. Kasama rin sa pelikula sina Joross Gamboa, Cacai Bautista, Maymay Entrata, Jeffrey Tam, Jameson Blake at Lovely Abella, sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina.

Hindi man kasama sa pelikulang ito ang nakagawian nilang love team, all out support pa rin ang KB Buddies ni Bernardo at ang Aldenatics ni Richards.

Excited si Leanne Capalad, member ng KB Buddies sa pelikula ng kaniyang idolo.

"Napakasaya as Kathryn fan, na finally nabigyan siya ng break na maipakita yun galing niya as solo performer kasi yun lagi sinasabi is walang Kathryn kung walang KatNiel. So now it's the time for her to shine," sabi ni Capalad.

Apat na taon naman nang Aldenatics fan si Vicky Durban.

"We are so excited sa lahat ng projects na ginagawa niya . . . sobrang excited kami dito sa UAE to see the movie on July 31st and of course to see them personally on the premiere," sabi niya.