Trending songs na 'Marikit,' 'Chinita Girl' tampok sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2020 01:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung noong unang panahon ay usong-uso ang harana para manuyo ang mga lalaki sa mga dalagang nililigawan, ngayo'y may bagong henerasyon na ng OPM artist na gumawa ng mga kanta para sa mga babaeng kanilang napupusuan.

Itinanghal ngayong Linggo sa "ASAP Natin 'To" ng Kapamilya artists ang trending songs na "Marikit" at "Chinita Girl."

Tampok sa number sina Maymay Entrata, Iñigo Pascual, Enchong Dee, Joao Constancia, at Jin Macapagal.

Pinakilala rin sa "ASAP" sina Kyle Caplis at Juan Caoile, ang mga artist sa likod ng kantang "Marikit," at si Li'l Vinceyy, ang rapper na nagsulat ng "Chinita Girl."

"Nagkaroon kami ng beat na nakita lang namin sa YouTube. Nakasulat kami ng kanya-kanya naming verse, nag-isip kami ng concept about doon nga sa mga babaeng marikit," kuwento ni Caplis sa pagbuo ng kanta.

Ayon naman kay Caoile, nagulat siya nang maging viral ang kanta nila. Nagpapasalamat din siya sa lahat ng gumawa ng dance challenge nito.

Ayon naman kay Li'l Vinceyy, hango ang "Chinita Girl" sa kuwento ng kaniyang torpeng kaibigan.

"Hindi niya po kasi maparating-rating talaga 'yong nararamdaman niya doon (sa babae) so ako 'yong naging isang instrumento para sabihin 'yong nararamdaman niya," aniya.

Na-discover ng songwriter at musical producer na si Vehnee Saturno si Li'l Vinceyy, at tinulungan ito na mailabas sa iba't ibang music platform ang "Chinita Girl."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.