PANOORIN: Melai, muling nakaharap ang ina ni 'PBB' housemate Diana

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 01:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Muling nakaharap ni Melai Cantiveros ang ina ng dating "Pinoy Big Brother: Otso" housemate na si Diana Mackey.

Ito ay ilang araw matapos maging usap-usapan ang di umano ay naging pagtabig at pagwa-walk out ng ina ni Diana na si Rowena Cariaga nang mapalabas ang anak sa Bahay ni Kuya.

Sa pagbisita ni Diana nitong Biyernes sa "Magandang Buhay," nilinaw ni Melai ang nangyari sa pagitan nila ni Mommy Rowena.

Ani Melai, iba ang nakikita ng mga tao sa telebisyon sa totoong nangyayari kapag live ang isang programa.
 
"Hindi naman talaga si momshie galit sa akin. Sa moment lang ng emosyon niya, hindi niya napigilan... Iba kasi 'yung nangyayari sa TV sa talagang nangyayari sa loob, sa gitna, [sa live]," paliwanag niya.

"At after noong live na 'yon, nag-hug kami ni mommy. [Sabi ko] 'Mommy, dito talaga sa labas ang totoong laban.' Hindi nila alam 'yon. [Sabi niya] 'Oo nga eh.' [Sabi ko] 'Laban lang, mommy, ha.' Tapos tinawag na ako," dagdag niya.

Hindi naman napigilan ni Diana ang maiyak dahil sa paglilinaw na ginawa ni Melai tungkol sa naging reaksiyon ng kanyang ina.

"Sobrang na-appreciate ko lang po na tina-try niyong i-clear sa mga tao 'yung totoong nangyari kasi sobrang naapektuhan ako," aniya.

"Sorry po pala sa mga fan ni Ms. Melai na na-offend, sorry po talaga."

Sagot naman ni Melai: "Huwag kang mag-alala, Diana. Maraming nagmamahal sa iyo. Alam mo naman na na-misinterpret lang 'yon at na-explain na ngayon."

Sa programa, mainit ang naging pagtanggap ni Melai at mga co-host nito na sina Jolina Magdangal at Karla Estrada sa pagbisita ni Mommy Rowena.

Pag-amin naman ni Mommy Rowena, talaga namang nabigla siya sa naging reaksiyon ng mga tao.

"Talagang sobra akong na-shock. Pero noong nag-uusap tayo, okay naman. Nagulat ako noong paglabas namin sa 'PBB,' [sabi sa akin] 'Mommy, trending ka na.' Diyos ko, mas sumikat pa ako kay Diana. 'Yung anak kong nasa Thailand, 'yun ang talagang [naapektuhan]," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.