Vilma Santos, may anniversary surprise para kina Luis, Jessy

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 11:34 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Isang pasasalamat ang ipinarating ni Vilma Santos kay Jessy Mendiola, nobya ng kanyang panganay na anak na si Luis Manzano.

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes isang video message mula kay Vilma ang sorpresa ng programa para kina Luis at Jessy na nagdiriwang ng kanilang ikatlong anibersaryo.

"I'm out of the country pero hindi puwedeng hindi ko kayo babatiing dalawa. Ang importante lang ay maligaya kayo," pasimulang mensahe ni Vilma para sa anak at kay Jessy.

"Lucky, you are very, very happy and I would like to thank Jessy for making you really happy with your life. So God bless you and if there's anything nandito lang si momski. I love you both and we love you both. God bless your relationship," ani Vilma.

Aminado si Luis na nakikita ng kanyang ina kung gaano siya kasaya sa relasyon nila ni Jessy. Ito aniya ang dahilan kung bakit napamahal ang kanyang ina kay Jessy.

"Siguro kasi bilang mommy, alam niyo 'yon, nakikita niyo kung tunay na happy ang inyong anak. Kapag sincere happiness. At siguro nakikita ni mommy 'yun sa akin ngayon that's why mahal na mahal niya rin ito. Sila nagkaka-text, nagkakausap sila. Kapag medyo lumulusog ako, siya (si Jessy) ang unang kukurutin," ani Luis.

Sa programa, naging bukas ang dalawa sa kanilang relasyon at kung paano ito nagsimula noong 2017 nang imbitahan ni Luis si Jessy sa kanyang kaarawan.

Matapos harapin ang mga kontrobersiya at ipaglaban ang pag-ibig sa mga mapanghusga, kita ang saya ng dalawa sa itinagal at estado ng kanilang relasyon.

Bago matapos ang programa, ibinigay nina Luis at Jessy ang pangako nila para isa't isa.

"Ang maipapangako ko sa iyo ay lagi akong nandito para sa iyo at palagi kitang aalagaan. At hindi na ako magpapaapekto sa kung anuman ang sasabin nila," ani Jessy na hindi na napigilang maging emosyonal.

"Hindi lang pangako. Gusto ko rin magpasalamat. Kasi ikaw 'yung naging sandalan ko kapag nahihirapan na ako. Minsan kapag mahirap, palagi mo akong pinapatawa. Gusto ko lang magpasalamat kasi dumating ka sa buhay ko at importante ka sa buhay ko," dagdag ni Jessy.

Para naman kay Luis ang pasayahin at mahalin si Jessy hanggang sa araw na makasal sila ang binitawan niyang pangako.

"She is the strongest person I know. And I promise na kapag dumating 'yung araw na 'yung strength na 'yun ay medyo bumababa ng kaunti, I promise to be your strength. I promise to be there for you. I promise na I will try to make that beautiful lips or mouth smile everyday. I promise to love you from this day forth 'til that very, very special day that we get to say two words and so much more after that," pangako ni Luis kay Jessy.