Kapamilya stars, bibida sa Pista ng Pelikulang Pilipino 2018

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 12:01 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naging tampok ang ilang Kapamilya stars bilang finalists sa ikalawang taon ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na gaganapin mula Agosto 15 hanggang 21. 

Pinangunahan nina Vhong Navarro at Bela Padilla ang walong kakaibang pelikulang pinili ng Film Development Council of the Philippines nitong Lunes. 

Tampok rin sina Erich Gonzales, Philip Salvador, Gina Alajar, Chai Fonacier, JC Santos, Bela Padilla, Christian Bables, at ang direktor na si Chito Roño sa ilang finalists na ipapalabas sa film festival.

Bibida ang "Its Showtime" star na si Vhong Navarro sa pelikulang "Unli Life" kung saan nagta-time travel siya kapag nakakainom ng alak. 

Ayon sa kaniya, kakaiba ito sa iba niyang mga pelikula. 

"Time travel ako dito sa iba-ibang panahon tuwing iinom ako ng whiskey to correct my mistakes. Ibang-iba ito sa mga nagawa ko, nagpapasalamat ako napili ito," aniya. 

Muli namang bibida ang tambalan nina Santos at Padilla sa "The Day After Valentines." Naging top grosser ang kanilang pelikula na "100 na Tula Para Kay Stella" sa PPP noong nakaraang taon.

Pasado rin ang pelikulang "Madilim ang Gabi" nina Philip Salvador at Gina Alajar, na gumaganap bilang magulang ng anak nilang nawala sa drug war. 

Kasama rin ang pelikulang "Ang Babaeng Allergic sa Wifi" ni Sue Ramirez tungkol sa babaeng nanirahan sa malayong probinsiya dahil sa epekto ng WiFi.

Napili rin ang Musical Romance na "Bakwit Boys" ni Jason Paul Laxamana na pinagbibidahan ni Ryle Santiago. 

Bibida naman si Erich Gonzales sa "We Will Not Die Tonight" na kung saan gaganap siyang isang stuntman na naghihintay ng kaniyang big break. 

Kabilang din ang pelikula ng aktres na si Chai Fonacier, kung saan gaganap siyang isang babae na may obsesyong magpaganda. 

Kabilang ang pelikula ni Chito Roño na pinamagatang "Signal Rock" na tungkol sa isang child custody case sa Finland. Bida rito ang Kapamilya star na si Christian Bables. 

Samantala, kasama sa Short Films Competition ng film festival ang mga maikling pelikulang pinamagatang "Alas Nuebe ng Tanghali," "Anonymous Student Vlog," "Bahay-bahayan," "Bato-Bato Pick," at "Isang Tula Para sa Nawawala." 

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.