Kylie Verzosa, binalikan ang pinagdaanang depression

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 11:59 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Aminado ang aktres at beauty queen na si Kylie Verzosa na malaki ang tulong sa kanyang mental health na makasama niya sa lockdown ang nobyong si Jake Cuenca.

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, nagbalik-tanaw si Kylie sa noon ay naranasang depresyon.

Para malampasan ang pinagdadaanan, tumanggap na ng tulong mula sa psychiatrist si Kylie.

"Ang kailangan awareness talaga na gusto mong gumaling. 'Yung ikaw ang magre-reach out sa tao," ani Kylie.

Sa ngayon alam na ni Kylie, ang mga bagay na dapat iwasan para huwag ma-trigger o bumalik ang kanyang depresyon.

"Ako I got triggered kapag kulang ako sa tulog o sobrang stressed na ako sa work. So this is when I take my time to step back, alagaan ko muna ang sarili ko, more self-love. Talking to your self kindly and nicely ... it was a long self journey towards discovering myself more, making myself better," ani Kylie.
 
Ayon sa beauty queen, nang mangyari ang lockdown ay malaking tulong para sa kanya na makasama si Jake.

"We decided to do the lockdown together. Kasi parang mas maganda na kasama namin 'yung isa't isa kaysa we are not together. May aso kami. Siya ang nag-aalaga ng mga aso tapos ako 'yung nagluluto," pauna ni Kylie. 

"Ngayon mas aware na ako sa kailangan kong gawin for my mental health. So mas natutulog ako ng maaga. I really try to have a certain schedule na susundan ko. Na-realize ko na kapag may schedule ako na sinusundan, mas may direction, my focus ang araw ko. So hindi ako masyadong flustered," ani Kylie.

Aminado si Kylie na kung noon ay nakadama siya nang matinding kalungkutan, masaya na siya ngayon dahil sa kanyang buhay pag-ibig.

"Super saya," pag-amin ni Kylie. "Masaya na nakakausap ko pa rin yung family members ko at nakakatulong siya sa health natin overall."

Para kay Kylie, importante rin ang minsa'y pagpapahinga mula sa paggamit ng social media.

"For me, it's important to always have certain detox time sa social media. Minsan sa news din, may certain sites lang ako na pumupunta sa news para 'di rin ako ma-overwhelm with all the news, kasi naapektuhan din ako kapag nakakarinig ako ng malungkot. Gusto ko minsan happy. ...Ako nagde-detox talaga ako sa social media two, three days. Important sa akin 'yon," ani Kylie.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.