Kapamilya stars, namayagpag sa Twitter sa unang hati ng 2018

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2018 04:46 PM

MAYNILA — Dinomina ng Kapamilya stars ang listahan ng Twitter ng mga pinakapinag-usapang artista sa Pilipinas sa unang anim na buwan ng taon.

Retrato mula sa Twitter

Nanguna sa "Top Male Celebrities" sa Twitter Entertainment Index for Midyear 2018 ang komedyante at "It's Showtime" host na si Vice Ganda.

Sinundan siya ng aktor at host na si Donny Pangilinan habang pumangatlo naman si Alden Richards.

Ika-apat sa listahan si James Reid habang ikalima naman ang Hashtags member na si Ronnie Alonte.

Retrato mula sa Twitter

Apat din ang nasungkit na puwesto ng mga aktres mula sa Kapamilya network sa listahan ng "Top Female Celebrities."

Pumangalawa rito si Maris Racal, sunod sa TV host at aktres na si Maine Mendoza.

Pumangatlo naman si Kathryn Bernardo, pang-apat si Maymay Entrata at panglima si Loisa Andalio.

Retrato mula sa Twitter

Apat na Kapamilya love teams naman ang napabilang sa listahan ng "Top Love Teams."

Ikalawa ang "MayWard" nina Maymay Entrata at Edward Barber, ikatlo ang "KissTon" nina Tony Labrusca at Kisses Delavin, ika-apat ang "DonKiss" nina Donny Pangilinan at Kisses Delavin, habang ikalima ang "JaDine" nina James Reid at Nadine Lustre.

Nanguna sa listahan ang "AlDub" nina Alden Richards at Maine Mendoza.

Retrato mula sa Twitter

Nagwagi naman ang primetime fantaserye na "Bagani" bilang pinakapinag-usapang teleserye.

Sinundan ito ng "Wildflower," na pinagbidahan ni Maja Salvador at nagwakas noong Pebrero matapos ang isang taong pag-ere.

Ika-apat sa listahan ng "Top Teleseryes" ang "Since I Found You," na pinagbibidahan nina Piolo Pascual at Arci Muñoz.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.