'Okay lang kahit mag-isa na lang ako': Bakit ayaw ni Vice magkaroon ng anak

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 11:27 AM

MAYNILA -- Ibinahagi ni Vice Ganda ang dahilan kung bakit ayaw niyang magkaroon ng anak kahit pa alam niya na kaya niya itong buhayin.

Sa "Tawag ng Tanghalan" sa "It's Showtime," matapos marinig ang kuwento ng isang kalahok na miyembro ng LGBTQ+ at may dalawang anak, ibinahagi ni Vice ang kanyang saloobin tungol sa pagkakaroon ng sariling supling.

Pauna ni Vice, masaya siya para sa mga miyembro ng LGBTQ+ na nagdesisyon na magkaroon ng sariling pamilya.

"Saludo ako. Hindi ko mawari ang tapang at husay niyo, kasi ako, hindi ko kaya 'yon," ani Vice.

“Laging natatanong sa akin, 'Hindi ka ba mag-aanak? Sayang naman.' Sabi ko, kung iisipin ko lang 'yung kakayahan ko, puwede kong sabihin na kaya ko. Pero ayaw ko kasi talagang i-expose 'yung magiging anak ko sa cruelty ng mundo,” aniya.

“Ako, kaya ko 'yun. Puwede kong sabihin, na handa na ako, kasi napagdaanan ko na 'yan, kinaya ko na 'yan. Pero 'yung bata, hindi ko lubos na maisip 'yung hirap ng anak ko kapag sinalbahe ng mga salbahe, hindi ba? Parang ako na lang. Okay lang kahit mag-isa na lang ako, kahit wala na lang akong anak, basta huwag na lang magdusa 'yung magiging anak ko kung saka-sakali," dagdag ni Vice.

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.