Film festival na tatalakay sa epekto ng climate change inilunsad

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 04:01 PM

MAYNILA — Nagsanib puwersa ang Climate Change Commission (CCC) at ang Oscar M. Lopez Center para ilunsad nitong Miyerkoles ang Klima Film Festival.

Sa online press launch, sinabi ni CCC Commissioner Rachel Anne Herrera na target ng festival na maipakita ang creativity ng mga kabataan sa pamamagitan ng paggawa ng short films.

Sesentro ang paksa ng short films kung paano naaapektuhan ng climate change ang kabuhayan ng mamamayan.

Mga kabataang may edad 16 hanggang 22 ang maaaring lumahok sa festival.

Giit ni Herrara, sa pamamagitan anya ng short film ay maipapakita ng mga kabataang kalahok ang hamon at krisis na dulot ng climate change.

Hanggang Hulyo 31 ay maaaring mag-register ang mga nais lumahok sa Klima Film Festival.

Para sa karagdagang detalye ay maaaring i-check ang website at official Facebook page ng Climate Change Commission.