Daniel Padilla, payag bang umibig muli ang inang si Karla Estrada?

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2019 12:21 PM | Updated as of Jul 08 2019 12:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Kung si Daniel Padilla lang ang masusunod, ayaw na niyang sagutin sa mga tanong tungkol sa love life ng inang si Karla Estrada.
 
Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, aminado si Daniel na seloso siya pagdating sa ina.

"Lumaki ako na marami rin akong nakilala. Alam naman natin 'yon na may darating at darating. Pero pinag-usapan namin ni Mama, kapag mature na siya, kapag hindi na siya baby," ani Daniel.

"Kapag nagmamahal ka madamot ka talaga," dagdag ni Daniel na inaming nag-usap na sila ng ina tungkol sa pag-ibig.

Nang matanong kung nagkaintindihan sila sa kanilang pag-uusap, birong tugon ni Daniel: "Parang nag-walkout lang ako."

Birong suhestiyon naman ni Karla, hindi na siya mag-aasawa kahit kailan pero magiging kasa-kasama siya ng anak kahit saan ito magpunta.

"Ganito na lang anak, mag-compromise tayo. Hindi na ako mag-aasawa hanggang pagtanda pero kasa-kasama mo ako kahit saan. Kahit saan kayo magpunta ni Kathryn, 'I'm just here' ganun because hindi mo ako binigyan ng buhay ko, so habang buhay," birong hirit ni Karla.
 
Bago pa man ang reaksiyon ni Daniel sa "Magandang Buhay," nauna nang inamin ni Karla na istrikto ang panganay na anak pagdating sa kanyang pakikipag-date.

Si Daniel ang panganay sa apat na anak ni Karla ay anak ng aktres sa dating nobyo na si Rommel Padlla.

Wala mang inamin sa publiko, naging usap-usapan ang 'di umano'y pakikipaghiwalay ni Karla sa pinakahuli nitong nakarelasyon.

Nito lamang Abril, inamin din ni Karla na hinahanap-hanap niya na ang magkaroon ng nobyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.