Enchong Dee, nanawagan sa kabataan na tumulong sa mga nangangailangan

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 11:53 AM

MAYNILA -- Naniniwala ang aktor na si Enchong Dee na ang krisis dala ng COVID-19 ay pagkakataon para mapabuti ang sarili.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, naging bukas si Enchong sa pagbabahagi ng kanyang mga nagawa para makapagpaabot ng tulong hindi lang para sa mga empleyado ng kanyang restoran, maging na rin sa mga frontliner at iba pang apektado ng pandemya.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Itong nangyari sa atin ay may choice ka -- gusto mo bang mapabuti o mapasama pa. Ito na 'yung opportunity para baguhin natin yung sarili natin for the better," ani Enchong.

"Basically kaya siguro ganito rin ang pag-iisip ko because we are blessed. Kumportable tayo, we have our family. Paano 'yung iba? So, siguro doon lang ako nag-iisip kaya sabi ko this is our chance to help each other out. Para sama tayong umaangat, umaakyat," dagdag ng aktor.

Ayon kay Enchong isa sa nagmulat sa kanya para tumulong ay ang kanyang mga magulang.

"Minsan nagtatanong sila, 'Anak, para saan 'yang iniipon mo?' Sabi ko, para sa donation, ganyan. Tapos sila rin mayroon din silang iba. Kasi nga sabi ko ito 'yung mga bagay na not necessarily ay naituturo sa school. Pero pagdating mo sa bahay kung ano ang ginagawa ng mga magulang niyo, pinapakita niyo as example to your kids, eventually kapag tumanda sila ganoon din ang kaugalian nila. So I'm fortunate na may ganoon akong magulang and I'm happy," ani Enchong.

"Isa mga itinuro sa akin nina mama at papa 'yung huwag mo masyadong gawing big deal kapag nakatulong ka... Huwag mo ipagyabang. Tumulong ako kasi nasa puso ko na gawin 'yon. Wala ng point system, gawin mo lang kung gusto mong tumulong," dagdag ng aktor.

Sa programa, isang mensahe rin ng pagmamahal ang ipinahatid ng mga magulang ni Enchong para sa kanya.

"Thank you lang. I'm happy because they allow me to do what I love doing which is trying to serve as much as I can. Dito mo makikita sa panahon natin ngayon na ang hirap kapag nag-iisa tayo, pero mas madali kapag sama-sama," aniya.

At para naman sa mga kabataan, isang payo rin ang ibinigay ng aktor: "Sa mga kabataan ngayon, lalo na dito sa bansa natin, let's make an act of kindness a common practice. Again, tayo ang magmamana sa kung ano ang mayroon sa bansa natin. Gamitin natin ang impluwensiya natin, katalinuhan natin at pang-unawa natin para tulungan 'yung mga taong mas nangangailangan. Kung may nakikita man tayo na mga bagay na ayaw natin sa bansa natin, tayo mismo ay gumawa ng paraan para mapabuti. 'Yun lang. Kasi mahal na mahal ko itong bansa natin, sana iisa ang direksiyon ng pag-iisip natin, iisa 'yung goal na ina-attain natin kasi kaya natin, ang gagaling ng Filipino."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.