Karla Estrada, suportado ang pelikula nina Kathryn at Alden

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2019 12:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Suportado ni Karla Estrada ang bagong pelikula ng Star Cinema na "Hello, Love, Goodbye" na pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.

Ibinahagi ng ina ni Daniel Padilla na nobyo at love team partner ni Kathryn ang pagsuporta niya sa pelikula sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes.

"Of course, we are very excited and todo-support tayo sa movie na ito talaga," aniya.

Ipapalabas ang "Hello, Love, Goodbye" sa Hulyo 31.

Ayon kay Karla, kailangan ang suporta ng bawat isa pagdating sa pelikulang Pilipino.

"Walang imposible kapag nagkakaintindihan at saka iisa ang industriya. Kaya masaya tayo na nagkakasama-sama ang lahat ng mga artista," aniya.

Sinegundahan naman ito ng co-host ni Karla sa "Magandang Buhay" na si Jolina Magdangal.

"Nakakatuwa na sa ngalan ng dekalidad na pelikula at sa kasiyahan ng maraming manonood ay nagsasama-sama ang mga bigating artista mula sa magkabilang bakod. Basta kapag sa movie, puwedeng magsama-sama," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.