Kim Molina at Jerald Napoles, napag-uusapan na nga ba ang kasal?

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 02:01 PM

MAYNILA -- Aminado ang magkasintahan na sina Jerald Napoles at Kim Molina na hindi man direkta ay napag-uusapan na rin nila kahit paano ang pagpapakasal.

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, naging bukas ang dalawa sa estado ng kanilang relasyon.

'Sa ngayon hindi pa napag-uusapan. Pero 'yung pakiramdam niyo sa isa't isa, siyempre mayroon ding alam mo 'yung kapag medyo matanda na, may mga ganoon kang hirit. Pero hindi pa detalyado, hindi niyo pa kailangang sunggaban. Kasi 'yung sunggab walang malinaw na picture 'yon for us. Parang it has to be specific, precise, kasi siyempre troubleshooting also at future-proofing," ani Jerald.
 
Sinuportahan naman ni Kim ang sinabi ng nobyo.

"Bilang babae I think mararamdaman mo 'yon sa partner mo, sa jowa mo kung papakasalan ba ako nito? So depende kasi sa usapan, mga pahapyaw. Si Jerald kasi mahilig siya sa mga bagay-bagay na basta na lang mangyayari. Hindi siya 'yung mangangako. Mas ma-effort siya, ganoon siya. Naniniwala ako sa kanya sa parte na 'yon at may kilig kilig na pagkuwento," ani Kim.

Pag-amin ng dalawa, magkasama sila ngayong panahon ng lockdown. Naniniwala rin sila na mas pinatatag ng nangyayaring krisis ang relasyon nila bilang magkasintahan.

Dahil sa laging magkasama ay malaki ang nagagawa ng bukas na komunikasyon sa kanilang pagsasama.

"Iba ang nagagawa ng usap. Mas naiintindihan niyo ang iniisip at saloobin ng bawat isa kapag nabo-voice out niyo ang gusto niyong sabihin. Mas naiging honest kayo sa isa't isa kasi 'di mo na bobolahin. Kasama mo na sa bahay," ani Jerald.

Matatandaang naging mabuting magkaibigan muna sina Jerald at Kim bago sila nagkaroon ng relasyon. Nagsimulang maging malapit ang isa't isa bilang parte ng musikal na "Rak of Aegis." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.