Francine Diaz, inalala ang tulong na ibinigay ni Melai

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 12:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Hindi makakalimutan ni Francine Diaz ang tulong na ibinigay sa kanya noon ni Melai Cantiveros.

Sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, nagulat si Melai nang pasalamatan siya ni Francine para sa tulong na binigay niya sa kanilang pamilya noong papalayasin na sila sa kanilang inuupahang bahay.

"Totoo po 'yon. Muntik na kaming mapalayas noon. Wala kaming [kuryente] noon. Nakaligpit na 'yung gamit na, nasa box na, nakaayos na. Tapos hindi namin alam kung saan kami lilipat. Tapos pinakiusapan namin si Ate Melai kung puwedeng manghiram ng ganito-ganyan. Tapos sumagot pa siya and 'yun nakabayad kami ng renta namin, sa [kuryente]. Kaya hindi po kami napalayas dahil kay Ate Melai," ani Francine.

"Thank you, Ate. I love you so much," ani Francine na ipinaliwanag kay Melai kung bakit kailangan niyang sabihin ang naging pagtulong nito. "Para malaman nila kung gaano ka kabait."

Bago pa man ang rebelasyon ni Francine, nauna nang sinabi ni Melai na saksi siya sa pinagdaanan ni Francine at pamilya nito.

Nagkasama si Francine at Melai sa 2016 serye na "We Will Survive."

"Talagang mahal na mahal ko itong bata na ito talaga," ani Melai na pinayuhan din si Francine na pag-ingatan ang karerang mayroon siya ngayon.

"Kaya pag-ingatan mo itong blessing na ibinigay sa iyo na ito. Kayo ni Kyle," ani Melai patungkol sa sikat na serye ni Francine at Kyle Echarri na "Kadenang Ginto."

Kasama sina Dimples Romana, Beauty Gonzalez, Andrea Brillantes at Seth Fedelin, mapapanood ang "Kadenang Ginto" mula Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng "It's Showtime."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.