Andrea Brillantes at Seth Fedelin, maaari bang magkatuluyan?

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 12:10 PM | Updated as of Jul 03 2019 12:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Ayaw magsalita ni Andrea Brillantes nang patapos nang tanungin siya kung maari ba silang magkatuluyan sa totoong buhay ng ka-love team niyang si Seth Fedelin na kasama niya sa sikat na seryeng "Kadenang Ginto."
 
Nitong Miyerkoles, pinakilig nina Andrea at Seth ang kanilang mga tagahanga sa naging pagbisita nila sa "Magandang Buhay" kung saan naging bukas sila sa tunay na estado ng kanilang relasyon.

"Hindi ko pa masasabi. Kasi siyempre kinikilala ko pa siya (si Seth) ng husto. Hindi ko pa po masasabi. Siguro," ani Andrea, 16.

Pag-amin naman ni Seth, mas lumalalim ang pagkakaibigan nila ni Andrea.

"Mas lalo pang lumalalim ang pagkakaibigan namin," hirit ni Seth, na 16 years old.
 
Kinilig din ang mga tagahanga ng dalawa nang aminin ni Andrea na isa si Seth sa nagpapagaan sa kanyang trabaho.

"Kasi sobrang nakakatawa si Seth. Kapag dumating siya ang dami niyang napapasaya, napapatawa. Isa na rin ako roon siyempre. Lalo na kapag 'yung eksena mabigat, nandiyan siya, tapos hindi na siya mabigat (para sa akin)," ani Andrea.

Dagdag pa ng aktres, napatunayan niya na totoong kaibigan si Seth nang damayan siya nito sa naging pagpanaw ng kanyang lolo.

"Nagte-taping po ako habang nasa ospital ang lolo ko. Sa kanya ko lang rin shini-share kasi ayaw ko isipin ng tao na malungkot ako tapos aalahanin nila ako. Tapos nandiyan siya palagi. ... Sobrang naa-appreciate ko na nandoon siya bilang kaibigan ko kasi siya lang 'yun nandoon para sa akin. Bago pa lang kaming magkakilala noon at doon ko naramdaman na totoo siyang kaibigan, na mapagkakatiwalaan ko siya," kuwento ni Andrea.

Mapapanood ang tambalan nina Andrea at Seth o SethDrea sa "Kadenang Ginto" mula Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng "It's Showtime."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.