Pagpanaw nina Chokoleit at Gary Lising, naging wake-up call para sa mga komedyante

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2019 12:55 PM

MANILA -- "Bayani" para sa mga komedyante ang yumaong sina Gary Lising at Chokoleit.

Ito ang naging pahayag ni Eric Nicolas sa "Magandang Buhay" nitong Martes.

Ayon kay Eric, muling nabuksan sa mga katulad nilang komedyante ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kalusugan sa biglaang pagkamatay nina Chokoleit at Gary.

"Comedian ako, napansin ko na nagpapasaya ka ng tao, tapos hindi mo na naasikaso ang sarili mo," pauna ni Eric.

"'Yung nangyari kay Chokoleit, 'yung nangyari kay Gary Lising, para silang mga bayani ngayon sa mga komedyante. Kasi mayroon na kaming grupo ng mga komedyante lahat nagpapa-checkup na sila," paliwanag ni Eric.

Ayon kay Eric, sa kabila ng lungkot dahil sa pagpanaw ng dalawang magagaling na komedyante ay may mabuti itong naidulot para sa iba.

"Dahil sa nangyaring 'yan, lahat ay aware na sila sa kanilang health," dagdag ni Eric na naagapang mauwi sa mas malalang karamdaman ang pagkakaroon niya ng hypertension dahil sa desisyon niyang magpakonsulta.

"Actually ang sugar ko nasa boundary na. Aang pinakamataas na cholesterol ay 190, nasa 193 ako, puwedeng mag-trigger ng heart attack. Buti nagpa-checkup ako, nandoon ako sa level na puwede ko pang habulin. Kaya payo lang sa may sakit... ako takot ako sa doktor pero hindi ako nagsisisi kasi naagapan ko," ani Eric.

Nitong Marso lamang nang bawian ng buhay si Chokoleit dahil sa atake sa puso.

Nitong nakaraang buwan naman ay natagpuang wala ng buhay si Gary na una nang dumanas ng atake sa puso noong 2009.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.