'Mahirap din sa kanila': Cherry Pie, humingi ng dasal para sa mga kriminal

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2019 01:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Matapos mahanap sa puso ang pagpapatawad sa pumaslang sa kanyang inang si Zenaida Sison, panalangin para sa mga kriminal at mga preso ang hiling ng aktres na si Cherry Pie Picache.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, sinabi ni Cherry Pie na batid niyang mas kailangan ng mga taong nakagawa ng kasalanan ang panalangin para makapagbagong buhay.

Naibahagi ito ni Cherry Pie matapos niyang makaharap at patawarin ang pumaslang sa kanyang ina.

"Ipinagdarasal ko pa rin na kapag kaharap ko na siya kasi baka mamaya ay negative ang reactions niya. Awa naman ng Diyos ay okay, okay talaga," pauna ni Cherry Pie.

"Actually mas mahirap sa kanya. Kasi makikita mo na ngayon na bumalik na ang kabutihan niya bilang tao, parang siya rin gusto niyang kalimutan na may nagawa siyang ganun. So mahirap din sa kanila. So let's all pray for prisoners, criminals," paliwanag ng aktres.

Matatandaang noong Setyembre 2014 nang paslangin ang ina ni Cherry Pie.

Pagkalipas ng halos limang taon, nagawa nang patawarin ng aktres ang pumatay sa kanyang ina.

Matutunghayan ang pinagdaanan ni Cherry Pie tungo sa tunay na 
pagpapatawad sa isang dokumentaryo na pinamagatang "Radical Love: A Daughter's Road To Forgiveness" na ipapalabas sa Sunday's Best sa Hulyo 7, pagkatapos ng "Gandang Gabi Vice."

"Nagpapasalamat ako sa ABS-CBN News and Current Affairs and, of course, to Tita Cory (Vidanes). Nag-create kami ng documentary film feature about sa forgiveness ko sa assailant ng mommy ko. Hindi ba nagkaroon ako ng pathway to forgiveness kasi pinatawad ko 'yung assailant ng mommy ko," ani Cherry Pie. 

Samantala, naging emosyonal si Cherry Pie Picache nang maalala ang aral na natutunan mula sa kanyang yumaong ina.

Pigil ang pagluha ng aktres nang matanong kung ano ang kasabihang itinuturo niya sa kanyang anak na nanggaling naman sa pangaral ng kanyang ina. 

"My mom would always tell me na 'buntot mo, hila mo.' Tinuro niya sa amin kung ano ang dapat niyang ituro, pero pinapabayaan niya kaming mag-desisyon para sa sarili namin. So 'yun din 'yung itinuturo ko kay Nio because, you know, we will not always be around. So lagi kong sinasabi sa anak ko, dapat matuto ka, may tama, may mali, may options. So kahit anong desisyon ang gawin mo sa buhay mo ay buntot mo, hila mo. You have to be responsible for your decisions," ani Cherry Pie.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.