PatrolPH

Ryza Cenon may payo sa mga ina kapag may tantrums ang baby: ‘Wag pagalitan’

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2022 05:12 PM

MANILA – Idinaan ng aktres na si Ryza Cenon sa social media ang pagbibigay ng tips sa kapwa niya mga ina sakaling mag-tantrums ang kanilang mga baby. 

Sa Instagram, ibinahagi ni Cenon na nahirapan siyang patahanin ang anak na si Night nang mag-tantrums ito isang gabi. 

Kuwento ng aktres, madalas ay tumatahan agad ang anak kapag niyakap na niya ito ngunit nitong nakaraan ay maging ang yapos niya ay hindi tumalab. 

Sinubukan naman nitong ipasa sa ama ng bata ang baby baka sakaling tumigil ito ngunit nagpatuloy ito sa pag-iyak. 

“Si Dada sasabihan nya dapat si Night pero pinigilan ko. Tapos kinausap ko ng mahinahon si Night, kinuha ko.. niyakap ko tapos tinanong ko sya anong problema? Habang hinihimas ko yung likod nya.. iyak lang ng iyak hanggang sa kumakalma na sya tapos sabi hug lang mommy kapag ganyan nararamdaman mo,” salaysay ni Cenon. 

Sinamahan niya ang mahinahong pagkausap sa baby ng pagpapatugtog ng classical music hanggang sa nakatulog na ito. 

Para kay Cenon, hindi dapat sinasabayan ng mga magulang ang tantrums ng mga anak. Aniya, dapat hayaan nila ito at huwag pagagalitan.

“Hayaan nyo muna sila, bigyan nyo ng space. Wag natin sabayan yung tantrums nila. Meaning wag natin silang pagalitan, pagsabihan, o sigawan. Kasi mga bata pa sila hindi pa rin nila naiintindihan yung nararamdaman nila. Ngayon pa lang nila na didiscover yung feelings or emotions nila,” paliwanag nito.

Dagdag pa ng aktres, dapat tanungin ang mga anak kung ano ang kailangan nila o problema. Ito rin umano ang maaaring paraan upang makasanayan ng mga bata na magkuwento ng kanilang nararamdaman sa kanilang mga magulang. 

“Minsan kasi kaya nagtatago ng nararamdaman yung mga anak natin dahil natatakot sila na mapagalitan. Kaya matuto tayo maging mahinahon sa bawat sitwasyon pagdating sa mga anak natin,” sambit niya.

Noong Oktubre 2020, ipinanganak ni Cenon ang kanilang unang anak ni Miguel Cruz na si Night. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.