Vice Ganda, may pakiusap sa Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 02:51 PM

MAYNILA -- Nakiusap ang host at komedyanteng si Vice Ganda nitong Lunes sa Kongreso na magkaroon ng habag para sa mga empleyado ng ABS-CBN na ngayon ay puno ng pangamba na maaring mawalan ng trabaho matapos na ipatiigil ang broadcast operations nito noong Mayo 5.

Sa Twitter, ibinahagi ni Vice ang video ng isang empleyado ng ABS-CBN na umaming mababa ngayon ang morale ng mga manggawa.

Ang video ay mula sa pagdinig sa Kongreso ukol sa pagbibigay ng prangkisa para makapag-broadcast muli ang ABS-CBN. 


 
"Nananawagan kami sa inyo mga Kongresista. Pakinggan n'yo pa ang boses n'ya na punong puno ng lungkot, pangamba at pagmamakaawa. Mahabag po kayo sa kapwa n'yo mga Pilipino. Magkakababayan po tayo. 'Wag nating gipitin ang isa’t isa," ani Vice sa kanyang tweet.

Sa hiwalay at naunang post ng "It's Showtime" host, humiling ito ng suporta mula sa kanyang mga tagahanga. 

"Kailangan namin ang suporta ninyo mga Kapamilya. 'Wag nating hayaang magdusa ang mga pamilya ng mga tuluyang mawawalan ng trabaho," ani Vice.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.