Jay R at Mica, may mensahe sa mga bagong kasal nitong lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 02:24 PM | Updated as of Jun 29 2020 04:32 PM

MAYNILA -- Maraming nadiskubre ang mag-asawang sina Mica Javier at Jay R sa isa't isa mula nang sila ay ikasal, ilang linggo bago ang lockdown.

"Mabuti po kami. Nagkataon na one week after kaming ikasal na lockdown na po kami. Hindi po yata normal 'yon sa isang bagong kasal na ila-lock kayo sa isang bahay ng tatlong buwan," ani Mica sa "Umagang Kay Ganda" nitong Lunes.

"Pero ang saya kasi 24/7 kasama ko ang magandang babae na ito. So masaya," ani Jay R.

Aminado ang dalawa na marami pa silang nadiskubre sa isa't isa habang naka-quarantine.

"Si Mica, she's a very strong independent woman," pauna ni Jay R.

"Mas naging aware ako sa kung saan ako puwedeng mag-accomodate, mag-adjust na hindi na ko-compromise kung sino ako," ani Mica.

"At na-appreciate ko 'yon. Siyempre magkaibang personality. Na-appreciate ko kasi nag-give way talaga siya, hindi 'yung nagagalit lang na 'eh ganito ako, bakit?'' dagdag ni Jay R.

Para kay Mica, nadiskubre niya ang pagiging pasensiyo ng asawa.

"Pasensiyo siya. May mga bagay na hindi kami nag-a-agree or improvement. Like he has a way na kaya niya akong kausapin na hindi nakaka-offend. Kasi hindi po ako pasensiyosa. Kasi panganay po ako ng mga makukulit," ani Mica.

Nang matanong naman kung naiisip na nila ang magkaroon ng anak, pareho ang dalawa ng sagot na wala pa ito sa kanilang plano.

"Hindi pa po. Pero sa akin plano ko na 'yon dati pa, pero kay Mica hindi pa po," ani Jay R.

Sa huli nagbigay naman ng mensahe sina Mica at Jay R sa mga bago ring kasal na ngayon ay humaharap sa kakaibang hamon ng buhay dahil sa krisis dala ng COVID-19.

"We know that everything happens for a reason at marami ring nangyayari sa mundo ngayon na hindi naman nakakabuti sa pagkatao ng lahat. Mabuti rin na magkaroon tayo ng time na magpahinga, pumasok ulit sa ating mga tahanan, mag-isip-isip kung ano ba talaga ang importante sa buhay. And that's what we ended up doing also na unang-una healthy kami, healthy ang family namin. You realize kasi sa quarantine you don't need too much to be happy and balance sa buhay. So 'kung 'yun muna ang i-focus natin ay magiging okay din ang lahat kahit na medyo mahirap ngayon in terms of earning and making your plans happen. Everything is meant to happen the way it's meant to happen," ani Mica. 

Bago ang lockdown ay naglabas din si Mica ng awitin na may pamagat na "Honest," samantalang "No Pressure" naman ang single ni Jay R.

Narito ang panayam ng UKG kina Jay R at Mica.

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.