PatrolPH

Sofia Andres, hindi iiwan ang showbiz matapos manganak

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 12:53 PM

MAYNILA -- "Kailangan ko mag-work."

Ito ang magandang balita ng aktres na si Sofia Andres para sa kanyang mga tagahanga na nag-aabang na sa kanyang pagbabalik matapos niyang magpahinga sa showbiz.

Nito lamang Linggo ay inamin na ni Sofia ang pagkakaroon ng anak sa nobyong si Daniel Miranda.

Sa panayam kay Sofia sa "Umagang Kay Ganda" na inere nitong Biyernes, Hunyo 26, sinabi niya na kailangan niya ring magtrabaho para makaipon. 

"Ngayong naka-lockdown tayo mas nagkaroon ako ng time with them. Matagal din, pero actually kailangan ko mag-work. Kailangan ko bumalik sa pagtatrabaho. Alam mo na kailangan may ipon din tayo," ani Sofia.

"Pero at the same time, I need to actually spend time with her kasi responsibilidad ko 'yon," dagdag ni Sofia na ibinahagi rin ang pangarap niya para sa kanyang anak.

"Gusto ko lagi lang siyang masaya at matupad niya ang mga pangarap niya at siguro in the future, alam ko matagal pa, mahanap niya 'yung soulmate niya. Alam ko masasaktan siya pero nandito kami at 'yung daddy niya para sa kanya," ani Sofia.

Sa panayam, ibinahagi rin ni Sofia ang kanyang pasasalamat sa lahat ng kanyang mga tagahanga at mga taong nagpakita ng suporta sa kanyang pinagdaanan at bagong buhay na tinatahak.

"Maraming-maraming salamat sa pagmamahal at suporta. Maraming-maraming salamat sa mga proud sa akin sa naging journey ko at sa anak namin na si Zoe. Huwag niyong kakalimutan sa mga fan ko at nai-inspire sa story na mahal ko kayo at kung may mga pinagdadadanan kayong hindi maganda, alam niyo importante ang pamilya at mga kaibigan na nasa paligid niyo. Huwag niyo silang kakalimutan sila ang makakatulong sa inyo," ani Sofia.

Narito ang panayam ng "UKG" kay Sofia Andres. Simulang panoorin sa oras na 1:06:30 hanggang 1:13:00.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.