PatrolPH

Jon Lucas, naospital matapos mag-positibo sa COVID-19 rapid test

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 02:53 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Jon Lucas (@lucas_aljhon) on

MANILA — Tatlong araw na nanatili sa ospital ang dating miyembro ng grupong Hashtags na si Jon Lucas matapos itong mag-positibo sa COVID-19 rapid test.

Sa ulat ng Push, naibahagi ni Jon ang naging karanasan.

"Alam naman natin po at ng karamihan na hindi siya accurate para ma-detect 'yung virus. Minsan daw kahit negative ka, pwede kang mag-positive. Minsan naman daw positive ka pero negative ang lumalabas. Ang lumabas don sa result ko ‘29 days onwards recovery.’ Parang papagaling na 'yung infection sa katawan ko. Meaning, parang dumaan lang siya," ani Jon.

Pag-amin din ni Jon, nakaranas din siya ng sintomas ng sakit. 

“Aaminin ko, may mga times na inuubo-ubo ako at nilalagnat. Pero dahil nga marami rin tayo ganap kahit nasa bahay lang, iniisip ko na lang na baka pagod lang ako. At saka siyempre, nawawala-wala po agad dahil nga tayo ay may gabi-gabing pagpapanata sa Panginoong Diyos. Ayun hanggang nung Lunes (Hunyo 22) nagpa-test na ako sa NEGH 'yun nga ang lumabas, may past infection ako. Kaya na-admit ako sa NEGH hanggang sa dumating 'yung result ng swab test ko. (Mas kayang ma-detect ng swab test si COVID), 2 to 3 days bago lumabas 'yung resulta,” kuwento ni Jon.

At kahit pa nasa ospital at nakasalumuha ng ilang pasyente na nag-positibo sa sakit, hindi natinag ang aktor dahil sa paniniwala niya sa Diyos. 

“Kaya rin siguro ako napunta do'n para makita ko mismo kung ano ba talaga ang sitwasyon sa loob ng hospital na may mga COVID patients. Para na rin maibahagi sa inyong lahat ang pagtulong at pagmamahal ng mga doctors, nurses, medical staff, mga ministro at manggagawa natin sa mga kababayan nating naapektuhan ng COVID. Hindi sila takot. Hindi sila lumalayo sa mga pasyente, matibay ang pagtitiwala nila sa Diyos. At naniniwala rin ako na kaya tayo dumaraan sa gantong pagsubok ay para magliwanag tayo sa madilim na sanlibutan. Wala kang dapat katakutan. Diyos ang nangako sa atin. Hindi niya tayo pababayaan kahit ano pang suliranin at pagsubok ang ating masagupa,” ani Jon na ngayon ay kasama na muli ang kanyang mga mahal sa buhay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.