Lola ni 'Jake Zyrus', tutol sa pagpalit ng pangalan ng apo

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 10:07 PM | Updated as of Jun 23 2017 12:32 AM

Sinalubong ng pagbati at papuri ang pagbabagong pangalan ni Charice pero isang malapit na kapamilya niya ang hindi natuwa sa bagay na ito.

Nagbuhos ng pagkadismaya sa kanyang Facebook account si Tess Relucio, lola ni Charice, tungkol sa pagbabago ng pangalan ng apo.

Martes nang inanunsiyo ni Charice ang kanyang bagong pangalan na Jake Zyrus. 

“Sino ba si Charice Pempengco? Apo ko! ‘Yung Jake Zyrus hindi ko apo 'yan, hindi ko kilala 'yan,” ani Relucio.

Kuwento pa niya, nanahimik siya noon sa pag-amin ng apo na lesbian siya pero ibang usapan na umano ang pagpalit ng pangalan.

“Noong namatay ang Daddy mo, pinipilit niyong palitan ang 'Pempengco'. Hindi ka nanalo. Nangunsinte ako sa ’yo noon, Charice. Pero ito ngayon, kahit ikamatay ko, anak, hindi ko kukunsintihin na maging Jake Zyrus ka,” mensahe ni Relucio sa kanyang apo.

Dagdag pa niya, "Pinanganak kang Charice Pempengco, mamamatay kang Charice Pempengco! Kapag nilagay sa ataul iyan, hindi Jake Zyrus ang ilalagay, Charice Pempengco pa rin."

Hindi naman sang-ayon ang kanyang lola na para ito sa kasiyahan ng kanyang apo.

Ayon naman kay Kevin Balot, isang transwoman, hindi talaga madaling tanggapin ng ibang pamilya ang ganitong pagbabago. 

Sinubukang hingan ng ABS-CBN News ng panayam si Jake Zyrus, pero ayon sa kanyang manager na si Carl Cabral, nasa bakasyon pa ang singer.

Malalim ang naging hugot ni Lola Tess sa apo. Gayunpaman, hindi umano nabawasan ang damdamin niya sa apong minahal niya bilang si Charice.

--Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.