PANOORIN: Melai, Jolina, at Karla, emosyonal sa pag-alala kay Eddie Garcia

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 01:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Naging emosyonal sina Melai Cantiveros, Jolina Magdangal, at Karla Estrada sa naging pag-alala nila sa beteranong aktor at direktor na si Eddie Garcia na pumanaw nitong Huwebes.

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, nagbalik-tanaw ang tatlong host sa kanilang naging karanasan kasama ang beteranong aktor.

Pagbahagi ni Melai, si Eddie ang isa sa tumayong ninong ng panganay na anak nila ng asawang si Jason Francisco na si Amelia Lucille.
 
"Lagi kong sasabihin kay Mela na, 'Nagkaroon ka ng ninong na Eddie Garcia na very professional at mabait,'" aniya.

Nakasama naman ni Jolina si Eddie sa isang serye. Ayon kay Jolina, di niya makakalimutan ang pagiging propesyonal ni Eddie.

"Sobrang inspired lang ako dahil gusto ko sanang tumanda rin ako sa industriya, at maganda 'yung naiwan niya. So sa lahat ng mga mahal ang trabahong ito, sana ay maging ganun din tayo. Walang yabang, walang pinipiling role, kahit ano, pero maganda kung paano niya ibinibigay o ibinabalik sa industriya," aniya.

Si Karla naman, hindi nakakalimutan ang magandang salitang binitiwan sa kanya ni Eddie tungkol sa anak niyang si Daniel Padilla.

"Ang ganda lang nung iniwan niya. Sabi niya, 'You fought a good fight for your son because your son is a good man,'" aniya.