‘We have to get used to this’: Kapamilya stars, nakipagkamustahan sa fans sa Star Magic online meet

Arra Perez , ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 08:39 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Malayo man sa nakasanayang personal na fan meetings, mas napalapit naman ang Kapamilya Stars sa kanilang supporters sa ginanap na "Star Magic Love From Home Grand Launch." 

Nakipagkwentuhan online sa kanilang fans at sa media sina Maymay Entrata, Donny Pangilinan, Vina Morales, Jake Cuenca, Maja Salvador, Jericho Rosales, Diego Loyzaga at Piolo Pascual. 

Dito, ibinahagi nila ang kanilang mga pinagkakaabalahan at mga itinuturing na luxury nitong lockdown. 

“Ang dami naming tinambak, pinamigay na gamit, tinanggal namin yung mga sahig, cabinets. Basically, winasak namin yung buong bahay. Tapos ginawa na lang namin sobrang minimal. We realized that ito lang pala yung kailangan natin,” sabi ni Rosales. 

Para kay Pascual, mas napapahalagahan niya ngayon ang kaniyang kapaligiran. 

“Seeing the horizon. Waking up to crows and the chicken. Birds mas malakas pa minsan yung chirping nila. The sound of nature,” sabi ni Pascual. 

Kahit pa connected sa fans sa social media, aminado ang Kapamilya stars na miss na nila ang meet-and-greet events. 

“We have to get used to this. We're gonna have to live without having a live event this year, next year. We don’t know when we'll meet people live again. Now, the only way we can meet people is through social media,” saad ni Pangilinan. 
 
Sabi naman ni Entrata na ramdam pa rin niya ang suporta ng fans kahit pa walang mga show. 

“Kahit hindi nila ako masyadong nakikita sa TV, patuloy pa rin yung pagmamahal at suporta na ipinakita nila sa akin kahit sa online lang,” ayon kay Entrata. 

Hinikayat naman nila ang publikong mag-donate sa Pantawid ng Pag-ibig 2: Isang Daan at Isang Pamilya ng ABS-CBN at suportahan ang ilalabas na Lockdown Portraits ng Star Magic Love From Home. 

Asahan ang iba pang online live events ng Kapamilya artists sa mga susunod na linggo.