Boom Labrusca, dumanas ng anxiety attack habang lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 12:38 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by boom labrusca (@boomeey) on

MAYNILA -- Inamin ng aktor na si Boom Labrusca ang pinagdaanan niyang anxiety attack habang naka-quarantine.

Ginawa ni Boom ang pag-amin sa naging panayam sa kanya ni Ogie Diaz sa isang Facebook Live session.

Si Boom ang mister ng aktres na si Desiree del Valle.

“Kung ano-ano 'yung naiisip ko, pero bumitaw ako kaagad eh, kasi 'yon nga. Nakatulong sa akin 'yung exercise. Sabi ko, 'Darling, kailangan kong gawin ito.' Nagpapawis ako. Siya kasi ay sobrang steady. So ako, exercise lang ako nang exercise so natanggal siya," ani Boom.

Dagdag pa na paglalarawan ni Boom: "Sa napanood namin 'yung '13 Reasons Why,' mayroon kang anxiety tapos nade-depress ka, hindi naman ako umabot sa ganun. 'Yung anxiety ko parang 'pag mayroon akong naiisip, nire-research ko kaagad, binabasa ko kaagad. Ano ba ibig sabihin nito, ano ba 'yung mangyayari? Tapos sa isang araw 'yon lang 'yung naiisip ko at para kang napapraning. Tapos nakakalunod siya. Literal na parang nalulunod ka sa tubig. ... Ganun 'yung mararamdaman mo pag-isip ka na nang isip. Tapos parang kailangan mo ng air, kailangan mo ng space, kasi parang feeling mo lumiliit 'yung kapaligiran mo. Umabot ako sa ganun."

Ayon sa aktor, ang panalangin at ehersisyo ang naging dahilan para malampasan niya ang anxiety attack.

“Ang ginawa ko, tumakbo ako sa parking, nag-push up ako dito, nag-jump rope ako. Lahat. Pinawis ko siya nang pinawis hanggang sa naging normal ako ulit at hanggang sa nag-let go ako. Tapos dasal ako nang dasal, itinaas ko na lahat. Sabi ko, ‘Lord, kung anuman nangyayari sa akin ngayon kayo na po ang bahala sa akin.' Tapos nawala agad. Pero nalunod ako talaga. Ganun talaga ang mararamdaman mo," ani Boom.

Iginiit din niya ang pasasalamat sa asawang si Desiree para malagpasan ang kanyang pinagdadaanan.

"Ito talaga ang pinagpapasalamat ko. Thankful ako na nandito ang asawa ko," ani Boom.

Taong 2018 nang ikasal sina Desiree at Boom sa Amerika.

Si Boom, ang ama ng aktor na si Tony Labrusca sa dati nitong nakarelasyon na si Angel Jones.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.