Pamilya ni Eddie Garcia, nagpasalamat sa pagkilala ng Gawad Urian

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 11:31 AM | Updated as of Jun 19 2019 12:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Patuloy na kinikilala ang ambag sa industriya ng beteranong aktor at direktor na si Eddie Garcia.

Hindi man niya personal na nakuha kagabi, Hunyo 18, ang kanyang parangal bilang Best Actor sa ika-42 Gawad Urian ay nagpapasalamat ang kanyang pamilya sa pagkilala.

Ito na ang ikatlong Gawad Urian award ni Garcia, ikalawa bilang best actor. Noong 2006, nabigyan rin siya ng Lifetime Achievement Award.

Ang direktor ng pelikulang "ML" na si Benedict Mique ang tumanggap ng parangal para sa aktor.

Sa kanyang talumpati naghayag siya ng suporta na gawing National Artist si Garcia.

Sa ngayon comatose pa rin ang aktor at patuloy na binabantayan ang kanyang kondisyon.

Nagpayo naman sa pamilya ang kanyang attending phyisician na si Dr. Regina Macalintal Canlas na limitahan muna ang bisita para maiwasan ang kumplikasyon.

Gayunpaman patuloy na humihigi ng panalangin ang pamilya para sa beteranong aktor.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.