Beauty Gonzalez, labis ang pasasalamat sa 'PBB'

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 02:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Labis ang pasasalamat ni Beauty Gonzalez sa pagkakataong ibinigay sa kanya ng programang "Pinoy Big Brother" para mapasok niya ang mundo ng showbiz.

Matatandaang nagsimulang makilala si Beauty nang maging parte siya ng "Pinoy Big Brother: Teen Edition Plus" noong 2008.

Ngayon, kinikilala ang husay ni Beauty sa kanyang pagganap sa seryeng "Kadenang Ginto."

"Thank you for the golden ticket. Sa totoo lang because of 'Pinoy Big Brother' now I know what's my purpose in life. Dati kasi when I was young hindi ko alam kung ano ang gusto kong gawin," ani Beauty sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles.

Kuwento ni Beauty, ang "PBB" ang nagbigay daan para malaman ang nais niyang gawin sa kanyang buhay.

"Parang dati I want to have a business. Sabi ko sa dad ko na gusto ko magkaroon ng sementeryo, kasi we have land na puwede siyang gawing sementeryo. Sabi niya, 'You are so morbid. Bakit mo iniisip yan?' Sabi ko, 'Wala, it's a good business.' Parang ganun lang. Tapos sabi ng mom ko na i-try mo mag-'PBB.' Dream niya ang mag-artista. So sabi ko, 'Sige na nga para di tayo mag-away, i-try ko na.' Tapos 'yon tuloy-tuloy na. When I got out of 'PBB,' what's next for me? Ano ang mangyayari?" kuwento ni Beauty.

"Tapos nagkaroon na ako ng work, nae-enjoy ko na may sarili akong pera. Then na-realize ko na parang ito pala ang para sa akin, kasi magaling naman pala ako sa ginagawa ko. Kasi hindi ko nakikita dati na I'm good. Now nakikita ko ang sarili ko and by the love of my fans and all the people who believe in me I believe na ito talaga is for me. So thank you 'PBB' kasi hindi ko magagawa ito if not because of you," dagdag ni Beauty.

Ngayon ay ibang kaligayahan para kay Beauty ang tagumpay ng seryeng "Kadenang Ginto" kung saan kasama niya si Dimples Romana at ang mga batang artista na sina Francine Diaz, Andrea Brillantes, Seth Fedelin at Kyle Echarri.

"Napakalaking bagay, kasi for 10 years ngayon ko lang naramdaman na sobrang pumatok ang character ko as Romina Mondragon. Ngayon lang ako nanalo ng best actress. Sabi ko 'Wow!' I mean I'm still floating, overwhelming. Sobrang thankful ako kasi on my 10th year (in showbiz) it's remarkable for me because of 'Kadenang Ginto,'" ani Beauty.

Mapapanood ang "Kadenang Ginto" mula Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng "It's Showtime."