Jed Madela, dinepensahan ang 'ASAP Versus,' may hiling sa bashers

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2018 05:21 PM | Updated as of Jun 18 2018 08:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinimok ni Jed Madela ang mga netizen na umiwas sa pamimintas sa ibang mang-aawit, lalo iyong mga nagtatagisan sa pagbirit sa "Versus" segment ng "ASAP" tuwing Linggo.

"It feels better to say something nice than to say something bad. If you say something nice, you make people feel good, you feel good. But then if you say something negative, hinu-hurt mo 'yong artist na bina-bash mo," sabi ni Madela sa panayam ng ABS-CBN News.

Isa sa mga inaabangang segment kada linggo ng mga manonood ng "ASAP" ang "Versus," tampok ang tagisan ng mga champion at multi-awarded singer.

Kasabay sa pagpahayag ng mga tagahanga ng kanilang suporta sa mga iniidolo, pista naman para sa iba ang pag-bash o pamimintas sa mga hindi nila manok.

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ni Madela na "showdown" ang "Versus" kaya normal lang ang magkaroon ng sapawan sa mga mang-aawit na lumalahok dito.

"If one thinks na sumapaw 'yong isa sa isa, well probably because pinanindigan niya 'yong concept ng segment na 'yon, kasi talagang showdown 'yon," aniya.

Ayon pa kay Madela, bahagi ng industriya ang may mambatikos sa mga mistulang katunggali ng kanilang mga idolo

"It's gonna be part of the business talaga, the bashing. It will never stop as long as may mga taong nagmamahal sa mga iniidolo nila na talagang patayan 'yong pagmamahal nila," ani Madela.

Isa sa mga mang-aawit na lumahok sa segment at nakatanggap ng pamimintas kamakailan si Laarni Lozada, kampeon ng ikalawang season ng "Pinoy Dream Academy."

Watch more in iWant or TFC.tv

Ito ay matapos niya umanong sapawan ang "Tawag ng Tanghalan" finalist na si Eumee Capile nang magkaharap sila sa "Versus."

"Kinanta ko lang naman iyong binigay sa akin. Sana na-entertain pa rin kayo and sana natuwa pa rin kayo sa performance namin," sabi sa panayam ni Lozada.

Hinimok din ni Lozada ang mga netizen na iwasang magsalita ng mga hindi kanais-nais sa iba.

"May mga fan talaga na sobrang possessive. Gusto nila 'yong idol nila, ganito, ganyan, sila magaling. Sana hangga't maaari... huwag tayong magsalita ng 'di maganda sa kapwa," aniya.

"Mas mabuti pang saktan ka physically kaysa words. Ang words kasi it can ruin your life, puwedeng lifetime 'yon," dagdag ng mang-aawit. -- May ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.