PatrolPH

Mayor Isko Moreno, nabiktima ng prank ni Alex Gonzaga

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2021 09:45 PM | Updated as of Jun 18 2021 08:54 AM

Mayor Isko Moreno, nabiktima ng prank ni Alex Gonzaga 1
Screenshot mula sa vlog ni Alex Gonzaga

Humanga ang aktres at vlogger na si Alex Gonzaga sa pagiging maunawain ng alkalde ng Maynila na si Isko Moreno matapos ang naging reaksyon nito sa kaniyang prank habang nag-iikot sila sa National Museum of Natural History. 

Sa inilabas na vlog ni Gonzaga, naisipan nitong i-good time si Moreno matapos nilang kumain ng kwek-kwek, isa sa mga sikat na street food, sa labas ng National Museum. 

Nagpanggap si Gonzaga na sumama ang lagay ng kaniyang tiyan kaya makailang-ulit na nagkunwaring pupunta sa banyo at paghintayin si Moreno. 

Habang nag-iikot sa loob ng museum, paulit-ulit na sinabi ni Alex na humihilab ang kaniyang tiyan bagay na pilit inuunawa ni Isko habang kinukuhanan sila ng video. 

“Mga kababayan si Alex po may ubo, mababa nga lang,” biro pa ni Moreno. 

Tinodo pa ni Gonzaga ang prank sa Mayor ng Maynila nang lagyan ng kunyaring kulay ng dumi ng tao ang kaniyang pantalon. 

Hindi naman ito pinandirian ni Moreno at pilit na pinakakalma si Alex na kunwari ay nahihiya sa kaniyang stiwasyon. 

“Don't worry too much. Normal yan,” saad ni Moreno sa bisita. 

Nang maupo na sa hagdan sa loob ng museo at nagkunwaring iiyak, doon na inamin ni Gonzaga na prank lamang ang pagsakit ng kaniyang tiyan. 

“Ang bait ni Yorme, hindi siya nadiri talaga,” masayang tugon ng aktres. 

“Eh puro basura rin naman hawak ko noong araw. Puro t*e rin hawak ko noong araw,” mabilis na paliwanag ni Moreno.

Inakala pa umano ng alkalde na buntis si Gonzaga kaya humihilab ang tiyan. 

Hindi ito ang unang pagkakataon na nag-guest sa vlog ni Alex si Isko. Minsan na rin niyang inikot ang vlogger sa Mehan Garden noong 2019. 

RELATED VIDEO FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.