PatrolPH

Janice de Belen, inspirasyon ni Karla Estrada sa pagpasok sa showbiz

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 11:38 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA -- Inamin ni Karla Estrada na isa ang aktres na si Janice de Belen sa mga dahilan kung bakit pinangarap niya ang maging artista.

Sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles kung saan bisita ng programa si Janice, nagbalik-tanaw si Karla sa panahon na nagsimula siyang mangarap na pasukin ang showbiz dahil sa kanyang idolong si Janice.

"Si Ate Janice ang isa sa mga dahilan kung bakit ako nag-artista, kakapanood ko ng 'Flor de Luna,' nasa Tacloban ako. Hindi pa namin TV 'yon. ... Kasi talagang motivation ko noon si Ate Janice na kailangan maging artista rin ako," ani Karla na inawit pa ang ilang linya ng theme song ng seryeng "Flor de Luna" na sumikat noong dekada '70.

Ayon kay Karla, hindi niya aakalain na magiging kaibigan niya ang idolong aktres sa loob ng mahabang panahon.

"Naging kaibigan ko si Ate Janice 15 years ago, 20 years ago kasi magkasama na kami at alam na niya ang aking pagkatao. Talagang ate ko siya, sobrang marami kaming pinagsamahan din kasi nagkasama tayo sa work. Ang solid noon, isang magulong pagsasama, kagulo. At talalagang starstruck pa rin ako sa kanya," dagdag na kuwento ni Karla.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.