PatrolPH

‘Kahit ikamatay ko’: Alwyn Uytingco umaasang maaayos ang problema nila ni Jennica Garcia

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2021 07:43 PM | Updated as of Jun 16 2021 09:35 PM

‘Kahit ikamatay ko’: Alwyn Uytingco umaasang maaayos ang problema nila ni Jennica Garcia 1
Mula sa Instagram ni Alwyn Uytingco

Ilang araw matapos magparamdam sa kaniyang asawa na si Jennica Garcia, muling naglabas ng mensahe si Alwyn Uytingco na umaasang mabubuo muli ang kanilang pamilya. 

Sa kaniyang Instagram account, sinabi ni Uytingco na paulit-ulit niyang pinapanalangin na maresolba ang problema nila ni Garcia na nauwi sa hiwalayan.

“Araw-araw, ito ang magiging dasal ko. Ito ang kakapitan ko. Ito ang papangarapin ko. Ito ang aasahan ko. Na balang araw, maging maayos na ang lahat,” ani Uytingco sa caption. 

Dagdag pa ng aktor, alam niyang magiging mahirap na maayos ang kanilang hindi pagkakasunduan ngunit handa umano niyang harapin ito. 

Handa rin umano niyang itaya ang kaniyang buhay dahi alam niyang ginagawa niya iyon para sa kaniyang asawa at mga anak. 

“Alam ko hindi magiging madali.. alam ko marami ang kailangan harapin. Pero mas pipiliin kong tawirin ang tulay na ‘to, kahit ikamatay ko, susubukin ko dahil alam ko na ikaw (at mga anak natin) ang sasalubong sa’kin sa dulo,” saad nito. 

Noon lamang Sabado, nag-iwan din ito ng mensahe para kay Garcia sa kaniyang social media account kung saan ipinahayag nitong mahal pa rin niya ang asawa. 

“Ang dami ko gusto sabihin. Pero hindi kayang ipaliwanag ng mga simpleng salita. Hindi ko ‘to gustong pahabain pa. Ang gusto ko lang malaman mo, at 'wag na 'wag mong kakalimutan.. mahal na mahal kita,” ani Uytingco. 

Ikinasal noong Pebrero 2014 sina Uytingco, 33, at Garcia, 31, at nabiyayaan ng dalawang anak. 

Ngunit nitong Marso, naging usap-usapan ang tila problema ng dalawa nang mapansin ng mga netizen na wala na sa Instagram account ni Garcia ang mga larawan ng asawa.

May mga pahiwatig din ang aktres tungkol sa pagsisimula ng bagong buhay at tinanong pa ang mga followers niya kung paano magpalit ng username sa Instagram kung saan gamit pa nito ang apelyido ni Alwyn. 

Tatlong linggo na ang nakakaraan nang aminin ni Garcia na hiwalay na silang mag-asawa. 

Related video:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.