PatrolPH

'Nandito lang ako': Maymay, may mensahe para kay Edward Barber

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 11:46 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA -- Mananatiling isang mabuting kaibigan para kay Maymay Entratra ang love team partner niyang si Edward Barber.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, naging bukas si Maymay tungkol kay Edward nang matanong ang reaksiyon niya sa ibinahaging mensahe ng aktor sa Instagram noong nakaraang buwan para sa pagdiriwang niya ng kanyang ika-23 kaarawan.

"Si Edward, kahit ano naman po ang mangyari talaga, isa siya talaga sa kaibigan ko kahit anong mangyari. Kaya na-appreciate ko po 'yung ginawa niya, 'yung message niya," ani Maymay.

"Saka wish ko rin sa kanya na maging mabuti (ang kalagayan niya) saan man siya magpunta," dagdag ng aktres.

Giit ni Maymay, lagi rin siyang nandiyan bilang kaibigan para kay Edward. "Nandito lang po ako, kahit anong mangyari," dagdag ni Maymay. 

Matatandaang noong April, sa isang pahayag ay ibinahagi ni Maymay at Edward ang estado ng kanilang relasyon.

Anila, kahit pa masaya sa pakiramdam ang ideya ng isang romantic relationship, nagdesisyon sila na manatiling magkaibigan.

Nabuo ang love team nina Maymay at Edward sa loob ng Bahay ni Kuya sa "Pinoy Big Brother."

Samantala, sa pagdiriwang ni Maymay ng kanyang kaarawan noong Mayo 26, inamin niya na bagamat nalungkot siya na hindi makasama ang pamilya dahil sa lockdown ay naging inspirasyon niya ang frontliners at lahat ng mga labis na naapektuhan ng COVID-19 para mas tumibay ang kanyang pananalig sa Diyos at pasensiya.

"Masasabi ko talaga na tinest ni God ang faith ko, 'yung pasensiya ko. Kasi ito 'yung birthday na planado ko na lahat. Dapat may pupuntahan ako kasama ang pamilya ko pero hindi ko sila napuntahan. Hindi ko sila nakasama. Nakakalungkot siyempre pero humuhugot ako ng lakas doon sa mga taong sinakripisyo ang buhay nila para sa kaligtasan natin, 'yun po yung frontliners. Kasama na rin 'yung apektado sa pandemic. Kaya feeling ko wala akong karapatang maging malungkot kasi mas malungkot pa 'yung pinagdaanan nila. Saka ang laki ng problema nila, kaysa sa pinoproblema ko lang 'yung selebrasyon ng birthday ko. Saka ang priority ko ngayon ay 'yung health ng bawat isa, 'yung safe 'yung pamilya ko, doon okay na ako. Saka gusto ko lang magpasalamat sa lahat ng sumuporta sa akin kasi sa kabila nang mga nangyayari, sa sitwasyon natin ngayon, ay nagawa pa rin nila na ibigay 'yung pagmamahal o suporta nila sa akin nung birthday ko po," ani Maymay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.