PatrolPH

'Pamilya Ko,' tuluyan nang nagpaalam sa mga manonood

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 11:10 AM

MAYNILA -- Tuluyan nang nagpaalam na sa mga manonood ang "Pamilya Ko," isa sa sikat na serye ng ABS-CBN.

Ito ang kinumpirma ng programa sa isang post sa kanilang opisyal na pahina sa Instagram. 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Pamilya Ko ABS-CBN (@pamilyako.abscbn) on

Narito ang buong pahayag: 

"Mabungang araw, mga kapamilya! Mahaba-haba na rin ang ating pinagsamahan. Katulad ng isang totoong pamilya, sabay-sabay tayong umiyak, nagalit, nagmahal, at tumawa. Saan man tayo makarating, lagi niyong tatandaan na mananatili kayo sa aming mga puso at isipan dahil kapamilya tayo forever. Maraming salamat sa suporta at hanggang sa muli nating pagkikita, mga ka-fruit salad!"

Pinagbidahan nina JM de Guzman, Joey Marquez, Sylvia Sanchez, Kiko Estrada, Jairus Aquino, Maris Racal, Mutya Orquia, Raikko Mateo, Kira Balinger at Kid Yambao, nagsimulang ipalabas ang "Pamilya Ko" noong Setyembre 9, 2019.

Tumagal sa ere ang serye ng anim na buwan bago ito napahinto dahil sa enhanced community quarantine dala ng COVID-19.

Sa kanya namang Instagram page, nagpahayag din ng kalungkutan ang isa sa mga bidang aktor ng serye na si Jairus.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Jairus Reuel Aquino™ (@dothejairusaquino) on

"Sobrang laking pasasalamat ko dahil napabilang ako sa show na 'to dahil ang sarap sa pakiramdam na nakilala at nakasama ko ang pamilyang ito. Miss ko na kayo at lalo ko kayong mami-miss. Isang trabaho na lahat kami looking forward sa bawat taping at ibigay ang lahat namin para aming mga tagasubaybay. Iisang serye na imbes mag bigay stress sa amin, ito ay isang seryeng pangtanggal ng stress namin sa bawat hamon sa buhay... Nay, Tay at sa mga kapatid ko alam kong mabigat para sa ating lahat to pero maraming salamat at mahal na mahal ko kayo," ani Jairus.

Maliban sa "Pamilya Ko," nauna nang nagpaalam ang seryeng "Make It With You" na pinagbibidahan nina Liza Soberano at Enrique Gil.

Sa ngayon, ilan sa mga magbabalik na serye sa telebisyon sa pamamagitan ng Kapamilya Channel ay ang "FPJ's Ang Probinsyano," "Love Thy Woman" at "A Soldier's Heart."

Mapapanood ang Kapamilya Channel sa SKY, Cablelink, G Sat, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable Television Association (PCTA) sa buong bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.