PatrolPH

Tala sa kapuwa: Sarah G may awit para sa mga Pinoy na bukas-palad tumulong

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2020 01:37 PM

Watch more on iWantTFC

Kahit matindi ang pinagdadaanan ng bansa bunsod ng coronavirus pandemic, hindi pa rin nawawala ang mga taong bukal sa puso ang pagtulong.

Sa “ASAP” ngayong Linggo, nag-alay ng performance si Sarah Geronimo para sa mga Pinoy na bukas-palad na tumutulong sa mga nangangailangan sa gitna ng pandemya.

“Mga Kapamilya, magsilbi po tayong tala sa ating kapuwa,” paghihikayat ni Geronimo sa mga manonood bago niya kantahin ang hit song niyang “Tala.”

Bilang paghahalimbawa, itinampok sa “ASAP” ang kuwento ng 35 anyos na si Mark Bas mula Talisay City, Cebu.

Ipinagpalit ni Bas ang kaniyang dating kotse para makalikom ng pondong ginamit niya para magpaabot ng ayuda sa iba.

“Noong nagsimula ‘yong pandemic, ang dami kong napansin na post na nagva-viral na mga taong naghihirap,” ani Bas, isang dating overseas Filipino worker sa Japan.

“Naisipan kong mag-raise ng funds saka i-barter ko na lang ‘yong isang kotse na madalang ko lang ginagamit,” dagdag niya.

Pinalitan ang kotse ni Bas ng P65,000 halaga ng canned goods at P60,000 cash.

Hindi naman ito ang unang pagkakataong ipinamalas ni Bas ang pagmamalasakit sa kapuwa.

Noong 2013, nagtayo si Bas ng sariling foundation na nagpapa-feeding program sa Cebu. Mayroon din siyang tinutulungan na bata sa pakikipaglaban nito sa sakit sa meningitis.

“Alam na alam ko kasi ‘yong pakiramdam na walang-wala. Dati pa nga, humihingi pa 'yong mga magulang ko sa kapitbahay para lang makaraos sa gutom,” ani Bas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.