Grace Poe, dinalaw si Eddie Garcia sa Makati Medical Center

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 01:25 AM

Na-ospital si Eddie Garcia nitong Sabado matapos siyang magtamo ng severe cervical fracture nang bumagsak sa taping ng bago niyang TV show sa GMA 7. File/Philippe Lopez, AFP

MAYNILA—Dumalaw si Senator Grace Poe sa batikang aktor na si Eddie Garcia sa Makati Medical Center Miyerkoles.

Hindi na nagbigay ng impormasyon ang senador sa kalagayan ng aktor dahil mas mabuti umanong manggaling ito sa pamilya.

Sinariwa rin ng senadora ang mga panahong nakasama ang aktor. Ayon kay Poe, bata pa lamang siya ay nakakasama na niya si Garcia dahil lagi itong kabilang sa mga pelikula ng amang si Fernando Poe Jr.

Dahil sa nangyaring insidente, sinabi ni Poe na bibigyan niya ng pansin sa senado ang pagbibigay ng proteksyon at pagtitiyak ng kaligtasan ng mga nagtatrabaho sa showbiz.

“Isang bagay ’yan dapat may medic du’n na trained kasi siyempre kung sila sila lang, hindi naman nila alam papano magbigay ng paunang lunas, importante ’yun. Hindi sa pagsisisi maski na kanino, pero importante na may naka-standby na doktor o medic doon," aniya.

Hiniling din ni Poe sa publiko na patuloy na ipagdasal ang batikang aktor na kritikal pa rin ang kondisyon hanggang sa ngayon.

Samantala, sinabi ni Dr. Tony Rebosa, ang tagapagsalita ng pamilyang Garcia na nakaranas ng hypotension o low blood pressure ang aktor pero maayos na ang blood pressure nito.

Nagtamo ng severe cervical fracture si Garcia matapos bumagsak sa taping ng bago niyang TV show sa GMA 7 noong Sabado sa Maynila.

Kasalukuyan itong nasa "comatose state" ayon sa kaniyang mga doktor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.