Nakisalo si Robin Padilla kasama ang mahigit 100 kinatawan ng kabataan at kababaihan para sa Iftar nitong Martes sa Museo de Padilla sa Quezon City. ABS-CBN News
Nakisalo ang aktor na si Robin Padilla kasama ang mahigit 100 kinatawan ng kabataan at kababaihan mula sa Baseco, Culiat, at Maharlika Village para sa Iftar o pagtatapos ng pag-aayuno ngayong banal na buwan ng Ramadan.
Idinaos ito sa Museo de Padilla at inorganisa by NGO International Alert Philippines at pinondohan ng pamahalaan ng New Zealand.
Ayon sa International Alert, “solidarity” ang tema ng pagsasalo ngayon na nagsisilbing pagdiriwang sa adhikain ng mga Pilipino tungo sa kapayapaan, kalayaan, at responsibilidad ng isa’t isa para tugunan ang kawalan ng hustisya at para makamit ang tunay na kalayaan.
Niluto ng mga kinatawan ng kababaihan ang mga pagkain na inihain Martes ng gabi.
Sa kaniyang solidarity message, hinikayat ni Padilla ang lahat na gumawa ng maganda sa kapwa nang walang hinihinging kapalit.
Aniya, hindi siya tatakbo para maging pulitiko at ginagawa lamang niya kung ano ang itinuturo ng Islam nang walang hinihinging kapalit.
“Ang iniintindi ko ang kabilang buhay,” sabi niya. Hinikayat niya ang mga Muslim at Kristyano na sundin ang kanilang relihiyon at hinimok ang lahat na ipaglaban ang kapayapaan.
Dagdag niya, orphanage ang original na plano para sa Museo De Padilla pero napag-initan at “pinagbintangan” umano ang mga nasa likod nito at hindi natuloy.
Mahigit 100 kinatawan ng kabataan at kababaihan mula sa Baseco, Culiat, at Maharlika Village ang inanyayahan ni Robin Padilla para sa Iftar nitong Martes. ABS-CBN News
Naging paaralan ito pero hindi nabigyan ng endorsement mula sa homeowners kaya isinara. Hindi rin umano pinayagan ng homeowners ang pagtira sa housing sa compound ng mga Muslim sa kabila ng apat na taon na pagbabayad ng homeowners due.
Mensahe niya sa mga kapitbahay, hindi problema ang mga Muslim na tinuturuang magmahal ng kapitbahay. Wala aniya sa Islam ang turo na pumatay ng tao. Itinuturo aniya ng Islam na magmahal ng kapwa at Diyos.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.