Major concert ng SB19, tuloy pa ba?

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 12:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Aminado ang grupo ng SB19 na wala pang kasiguraduhan ang inaabangang major concert nila ngayong 2020.

Ito sana ang unang major concert ng grupo na nauna nang ipinaalam sa publiko bago ang enhanced community quarantine.

"For now, wala pa po. Hindi po namin alam kung kailan mare-reschedule. Parang aantayin lang po namin 'yung announcement din. Siyempre po ang company namin at organizers ng event kailangan po mag-meet halfway sa kung ano ang mapagkakasunduan. Abangan po natin. Siguro matutuloy 'yan in the future kapag wala na 'yung ganitong crisis," ani Josh sa panayam ni MJ Felipe ng ABS-CBN News.

Aminado ang grupo na nalungkot sila na kailangang makansela ang concert dahil sa COVID-19.

"Pati kami rin po ay gusto naming mag-perform at gusto namin na makabawi sila. Hopefully after this ay magkaroon ng meeting at ma-reschedule namin 'yung upcoming concert namin," dagdag ni Ken.

Pagbabahagi ni Sejun, dahil sa lockdown napag-uusapan na rin nila na gumawa ng fundraising event para makatulong.

"Nag-uusap pa lang po kami pero wala pa pong definite plan. Pero continuous po 'yung meeting namin para sa content po or any online concerts na puwedeng gawin in the future," ani Sejun.

"Siguro po for now kasi mayroon tayong hinaharap na pandemya. Siguro mas mahalaga na unahin muna ang kaligtasan ng fans namin. Hindi lang po fans namin kung hindi lahat ng tao sa Pilipinas. At about sa fundraising concerts or anything ay magpo-post kami sa aming official accounts kung mayroon kaming plan about doon. At 'yun na lang po ang abangan nila. Siguro po in the near future kapag natapos na ito ay mayroon tayong magandang kakaharapin," dagdag ni Stell.

Para naman sa mga COVID-19 frontliners, isang awitin na ang nagawa ng SB19. May pamagat ang awitin nila na "Ikako."

Watch more in iWant or TFC.tv

"Ginawa namin 'yon hindi lang para sa mga frontliner pero pati rin sa pamilya o mga tao na nagi-stay sa bahay. Nahihirapan po ang mga frontliners natin, 'yung mga pamilya nila na nasa bahay na nag-aalala, 'yung mental health nila ay iniisip din natin. Gusto namin na through this song ay ma-inspire sila, ma-motivate sila, ma-uplift sila at makalimutan nila 'yung kinakaharap natin sa buhay ngayon," ani Sejun.

Ngayong panahon ng quarantine naging abala ang grupo sa paggawa ng mga bagong awitin at maging sa pagsasayaw.

Mensahe ng grupo sa kanilang mga tagahanga ay ang kanilang labis na pasasalamat sa patuloy na suporta at pagmamahal.

"Walang sawa kaming magpapasasalamat sa kanila. Hindi namin alam kung paano ibabalik 'yung effort na ibinibigay nila sa pag-support sa grupo namin. Katulad po nang lagi naming sinasabi kung anuman 'yung achievements na natatamasa namin ay kasama po sila sa lahat ng 'yon. Maraming-maraming salamat at mahal na mahal namin kayo," ani Sejun.

"Sa panahon ngayon dapat alagaan niyo ang sarili niyo ... mag-iingat kayo palagi," dagdag ni Justin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.