'Malaya pa rin': Shaina, nagbahagi tungkol sa lagay ng kanyang puso

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 01:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA — Matapos muling umugong ang balitang nag-uugnay sa kanya sa aktor na si Piolo Pascual, sinabi ng aktres na si Shaina Magdayao na wala pa ring nagmamay-ari ng kanyang puso.

"Malaya pa rin naman. Malaya pa rin naman ang aking puso, importante 'yon," ani Shaina na nakasama ang aktor sa Cannes Film Festival nito lamang Mayo para sa kanilang pelikulang "The Halt ("Ang Hupa") ni Lav Diaz.

"Laging masaya [ang aking puso] especially maraming magagandang nangyari sa akin ngayong taon na hindi ko talaga in-expect, promise, kaya nagpapasalamat ako," dagdag pa niya.

Samantala, tila nahirapan namang sagutin ni Shaina ang tanong kung masasabi niya bang "past, present at future" ang aktor na si Piolo Pascual para sa kanya.

"Kasi marami kaming mga proyektong napagsamahan na hindi namin in-expect na makakarating sa ibang bansa. 'Yung 'Season of the Devil' ('Panahon ng Halimaw'), siya rin 'yung kasama ko roon. So, kumbaga ang daming celebration na na-si-share namin. Even itong film na ito ni wala kaming eksena together, sabay naman naming na-experience 'yung Cannes Film Festival. Siyempre nagpapasalamat ako na nandiyan siya at kasama ko siyang ma-experience 'yung ganitong mga magagandang bagay," ani Shaina.

Ayon kay Shaina, sadyang nagkakataon lang na nakakasama niya si Piolo sa mga magagandang pangyayari sa kanyang buhay.

"Hindi talaga namin in-expect. And 'yung tulong niya sa akin pagdating kay Direk Lav — kasi parang panibagong mundo. Kumbaga dina-doubt ko pa ang sarili ko kasi puro stage actors ang kasama ko: sina ate Pinky Amador, Bituin Escalante. Sabi ko, 'Ano ginagawa ko rito, bakit ganito? Paano ito?' So P was there to reassure me na, 'Tama ang ginagawa mo,'" ani Shaina.

Bida ngayon si Shaina sa digital series na "Past, Present, Perfect" ng ng iWant kasama ang aktres na si Loisa Andalio.