John Lloyd, dumalo sa preliminary investigation ng kaso vs Ellen

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 04:01 PM

Dumalo si John Lloyd Cruz sa preliminary investigation ng kaso laban sa nobyang si Ellen Adarna nitong Lunes.

Dumating si Cruz sa Pasig City Office of the Prosecutor kasama ang legal counsel ni Adarna para harapin ang kasong child abuse at cybercrime na isinampa ng kampo ni Myra Abo Santos, ina ng 17 anyos na tinawag ni Adarna sa social media na "paparazzi."

Wala pang kalahating oras ang itinagal ng dapat sana'y preliminary investigation dahil hiniling ng kampo ni Adarna na ma-reschedule ang pagdinig sa Hunyo 25 o dalawang linggo mula ngayong araw.

Noon lamang Mayo 31, lumabas ang ulat na pumanaw ang ama ni Adarna na si Alan Adarna dahil sa cardiac arrest. Siya'y 58 anyos.

Bago kasuhan, nanghingi pa ang kampo ni Santos ng public apology mula sa aktres dahil sa aniya'y nasira ang reputasyon ng dalagitang tinawag na paparazzi ni Adarna.

Mayo 4 nang mag-post si Adarna ng video ng babaing umano ay kumukuha ng video niya. Hindi pa lantad noong panahon na iyon na isang menor de edad ang babae pinagbintangan ni Adarna. 

Caption pa ni Adarna sa video: "'yan ha... You know the feeling... Uncomfy noh? When you PAP us, we PAP you too! Nasa resto eh. It's a tie."

Gumamit pa ng hashtag #PaparazziMoves si Adarna sa post.

Gayunman, iginiit ng dalagita sa kaniyang Twitter account na hindi nga niya napansin si Adarna at kinukuhanan niya lang ang kanilang kinakain.

Pero nanindigan pa rin si Adarna na kinukuhanan siya ng video o larawan. 

"Girl, your reaction in the video that I took explains it all, like you look so guilty, you didn't even know what to do, if you should pick up your chopsticks, you looked so conscious because you panicked, because you know I was doing what you're doing," paliwanag ni Adarna sa kaniyang Instagram Story.

Ayon pa kay Adarna, binalak niyang puntahan ang nasabing kostumer para ipabura ang umano'y kuha nitong video, ngunit nagdesisyon na lamang siyang kuhanan din ang customer.

"And I saw her post, I saw the video that she took, she was casually eating ramen, but like she took a video, girl, if you take a video of your food, you focus on the food, you don't focus or you don't show the people in the background," sabi ni Adarna.

Nanghihingi rin ang aktres ng kopya ng CCTV footage mula sa may-ari ng restoran. 

Noong nakaraang buwan lang, naglabasan ang mga larawan ni Adarna na tila nagpapakita sa kaniyang pagbubuntis sa napabalitang panganay nila ni Cruz.

-- May ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.